Franchise renewal ng Dito aprubado na sa Senate panel

INAPRUBAHAN  ng Senate Committee on Public Services ang House Bill No 7332 para sa franchise renewal ng Mindanao Islamic Telephone Co Inc, o mas kilala bilang Dito Telecommunity Corporation na 40 percent na pag-aari ng China.

Nakatakdang mag-expire ang prangkisa ng Dito sa taong 2023.

Ayon kay Sen. Grace Poe ang chairman ng Senate Committee on Public Services, kayang makipagsabayan ng nasabing kompanya sa mga nangungunang telco player sa bansa.

Ayon kay Commissioner Edgardo Cabarios ng National Telecommunications Commission (NTC), nasa 85. 9 megabits per second ang minimum average speed ng DITO para sa 4G samantalang nasa 507.5 MBPS naman ang speed kapag 5G.

Mayroon na rin aniyang 1.602 operational cell cites ang Dito.

Nag-umpisa ang roll out ng Dito sa 15 area sa Visayas at Mindanao noong Marso 8.

(BASAHIN: Dito Telecommunity, posible nang magsimula ng serbisyo ngayong Marso)

Inaasahan naman na sa kalagitnaan ng taon ay mai-rollout na ito sa buong Pilipinas.

Samantala, inihain ni Senator Lito Lapid ang isang panukalang batas na mag-oobliga sa mga Telco company ng magbigay ng refund sa mga customer sakaling pumalpak ang serbisyo ng mga ito.

Sa ilalim ng Senate Bill 2092 ng senador, oobligahin ang mga telcos na magbigay ng refund sa kanilang mga customer kapag naputol ang serbisyo o internet signal ng lagpas sa 24 oras.

Nakasaad din sa panukalang batas,  dapat magkaroon ng automatic refund o adjustment sa billing ng isang customer kapag pumalpak ang sebisyo para hindi na kailangang pumunta ang mga ito sa mga service center.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.