BINIGYANG-diin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na isa sa magbibigay sa kanya ng kasiyahan bago bumaba sa posisyon kapag makikita niyang mayorya sa mga Pilipino ay nakatanggap na ng full vaccination laban sa COVID-19.
Sinabi ni Pangulong Duterte na target ng gobyerno na maging ‘COVID-free country’ ang Pilipinas kung saan fully vaccinated na ang halos karamihan sa mga Pilipino.
“Ako ang sabihin ko lang, if there is something that would make me happy when I go out of this office, maligaya ako kung malaman ko na halos lahat — kasi hindi naman lahat — halos lahat nagpabakuna. And if the majority, mag-abot na ng milyon-milyon, umaabot na tayo ng milyon ngayon pero mayroon pa kayong — sabi ng mga doon sa provincial reports na mayroon pa ‘yung mga tao na ayaw talaga,” pahayag ni Pangulong Duterte.
Gayunman, muling ipinaabot ng Chief Executive sa mga publiko na naririyan pa rin hanggang ngayon ang nakamamatay na coronavirus kaya patuloy itong nagpaalala na sumunod sa health protocols.
Patuloy din ang paghikayat ng Punong Ehekutibo sa publiko partikular sa mga unvaccinated na magpaturok na ng COVID-19 vaccine na isa sa malaking tulong na mapababa ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
“So nakikiusap ako na magpabakuna na kayo. Kasi ‘yang bakuna ‘pag hindi niyo gamitin, itutusok ko talaga diyan sa tainga mo diyan, diyan ko padaanin ang ano, COVID,” dagdag pa ni President Duterte.
Higit 61 million mga Pilipino, fully vaccinated na kontra COVID-19
Batay sa pinakahuling datos ng National Task Force (NTF) against COVID-19, nasa higit 61 million (61,058,862) na adult Filipinos ang fully vaccinated na kasama na rito ang nakatanggap ng single-dose Janssen at Sputnik Light jabs.
Sa tala ng daily dashboard, mayroon ng 222 million doses ng Covid vaccines na natanggap ang Pilipinas.
131.7 million doses ang kabuuang naiturok na habang 9 million naman ang sa booster shot.
Aminado si NTF chief implementer at vaccine czar Carlito Galvez Jr. na medyo mababa o mabagal pa ang boostering sa bansa.
Marahil, ani Galvez na tila naging kampante na ang ilan sa mga Pilipino sa two doses ng bakuna.
Muli namang ipinaalala ng NTF na maraming nagsasabi na mga eksperto na kailangang mag-boosters dahil pagkatapos ng tatlo o apat na buwan, ay humihina na ang bisa ng mga bakuna.