Fully vaccinated sa bansa, umabot na sa mahigit 71M

Fully vaccinated sa bansa, umabot na sa mahigit 71M

UMABOT na sa mahigit 71 milyon ang mga fully vaccinated o ang tapos nang makapagpaturok ng first at second dose ng COVID-19 vaccine sa bansa.

Ito ay batay sa pinakabagong report ng National Vaccination Operations Center (NVOC).

Matatandaan na 78 milyon ang target na mabakunahan ng bansa laban sa COVID-19.

Dahil dito, 91. 47 porsiyento na ang nabakunahan sa target population ng Department of Health (DOH).

Pagdating naman sa first booster ay nasa 20.23 porsiyento na ang nabakunahan habang ang nalapatan ng second booster ay nasa 1.47 porsiyento pa lamang.

Ang second booster ay inilalapat para lamang sa mga immunocompromised.

Samantala, nasa 51.05 porsiyento na ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) mula sa kanilang target population ang fully vaccinated ayon sa DOH.

 “Fully Vaccinated – 1,584,124 or 51.05% of their target population 1st Booster – 163,308 or 5.26% of their target population,” saad ng DOH.

Habang ang para sa first booster ay nasa 5.26 porsiyento pa lamang ang nagpaturok doon.

Aminado ang DOH na mababa pa rin ang booster coverage ng bansa at naging panawagan ng DOH sa mga Pilipino na magpaturok na nito para sa kanilang proteksyon.

Ito ay sa gitna ng pagtaas ngayon ng mga kaso ng COVID-19 dahil sa iba’t ibang Omicron subvariants.

Sa ngayon ay naghahangad ang DOH na marating ang 50% booster coverage sa unang 100 araw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Ikakasa ang kampanya para sa booster shot simula Hulyo 26, isang araw pagkatapos ang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo.

Ilalapit ang bakunahan nito sa mga eskwelahan, mga bus terminal, palengke, opisina, at mga komunidad.

Follow SMNI News on Twitter