Gadon, nais magkaroon at pamunuan ang isang komisyon na magwawasto sa kasaysayan

Gadon, nais magkaroon at pamunuan ang isang komisyon na magwawasto sa kasaysayan

NAIS itama ni Atty. Larry Gadon ang kasaysayan ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagkakaroon ng bagong komisyon.

Ito ang kaniyang inihayag sa isang pulong balitaan matapos tanungin kung anong nais niyang hawakan na puwesto kung siya ay aalukan ni President-Elect Bongbong Marcos.

“Gusto ko kasi ng puwesto na may pagkakataon ako na talagang maisakatuparan ang pagwasto ng ating kasaysayan. Yung ginawang panloloko, pagbrain-washed, pag-indoctrinate ng mga dilaw at mga komunista ay yun ang aking gustong matutukan.”

Dagdag ni Gadon na maraming Pilipino ang nalinlang ng maling kaalaman tungkol sa kasaysayan ng bansa.

Kaya aniya nais niyang magproduce ng mga lathala upang itama ang kasaysayan.

” I would probably ask President Bongbong Marcos na bigyan ako ng isang komisyon na magpapalabas ako ng mga publication, mga libro, mga magazine upang iwasto ang kasaysayan. Yung talaga ang gusto kong gawin.”

Sa ngayon ayon kay Gadon ay hindi pa tiyak ang kaniyang plano para sa 2025 elections.

Pero aniya kung tatakbo man siya muli ay hindi siya mahihirapan sa pagcampaign sa ilalim ng BBM administration.

Samantala sinang-ayunan naman ni Gadon ang desisyon ni BBM na pansamantalang pamunuan ang Department of Agriculture (DA).

Ayon sa abogado, kinakailangang maresolba ang mga isyu at kontrobersiya sa DA ng kamay na bakal gaya na lamang ng rice at sugar smuggling.

Kaya aniya tiyak na mapuputol ang mga kalokohan at korapsyon sa nasabing kagawaran kung si BBM ang mamumuno.

“Kung ang tatayo mismo na secretary diyan or ang magiging head ng Department of Agriculture ay ang presidente mismo ay mas maganda ang tsansa na itong mga kalokohan diyan o perceived corrupt practices ay maputol. Kasi siyempre kung ang mismong presidente ang magiging final authority into approving any projects or implementation of programs ay mas magiging maganda ang pamamalakad ng Department of Agriculture.”

Dagdag pa ni Gadon na magaganda ang ideya ni BBM para sa pagpapaunlad ng agrikultura.

“Marami kaming naitanong sa kaniya tungkol sa food production, food security and tungkol sa agriculture. Napakaganda ng kaniyang mga ideas, yung mga sagot niya. Kaya ako I would agree na magiging maganda ang resulta na pagka si President Bongbong Marcos mismo ang humawak ng department.” ani Gadon

Follow SMNI NEWS in Twitter