Game plan sa procurement ng bakuna vs COVID-19, hindi babaguhin —PRRD

INATASAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang National Task Force Against COVID-19 na huwag nang baguhin ang procurement ng mga bakuna laban sa coronavirus disease o COVID-19.

Ito ang pahayag ng punong ehekutibo sa kanyang ulat sa bayan nitong Lunes ng gabi, sa kabila ng pagdududa ng mga mambabatas kasabay ng imbestigasyon na ikinasa sa Kongreso.

Dagdag pa ni Pangulong Duterte, pinahihintulutan niya si NTF Chief Implementer at vaccine czar Carlito Galvez Jr., na ituloy ang orihinal nitong game plan sa kaugnay ng rollout ng COVID vaccines.

Sambit ng chief executive kay Galvez, hayaan na lamang nito ang paggulong ng imbestigasyon sapagkat mas magpatatagal lamang ito sa proseso.

Sa naganap na pagdinig sa Kongreso, kinuwestyon ng mga mambabatas ang halaga at efficacy ng mga bakuna laban sa COVID-19 bago ang procurement nito ng pamahalaan.

Inakusahan naman ni Senator Panfilo Lacson na posibleng tinangka ng pamahalaan na patungan ang presyo ng COVID vaccines na galing China at napansin lang ito dahil sa mga kritisismo ng publiko at pagsisiyasat ng Senado.

Duterte, dinepensahan ang kasunduan ng Pilipinas sa China

Samantala, dinipensahan ni Pangulong Duterte ang pakikipagnegosasyon ng Pilipinas sa China kaugnay ng pagbili ng COVID-19 vaccines.

Inihayag ng punong ehekutibo na maisasapubliko ang presyo ng Sinovac oras na maisapinal na ang kasunduan na kaniya pang nire-review kasama si Department of Finance Secretary Carlos Dominguez.

Noong nakaraang taon pa lang, ani Pangulong Duterte, personal na niyang hiniling kay Chinese President Xi Jinping na mabigyan ng doses ng vaccines ang Pilipinas dahil walang kakayahan ang ating bansa na gumawa ng sariling bakuna.

Mababatid na nangako ang China na magbibigay sa Pilipinas ng 500,000 doses bilang donasyon.

SMNI NEWS