Gamot laban sa cancer, diabetes, idinagdag ng BIR sa VAT-Free list

Gamot laban sa cancer, diabetes, idinagdag ng BIR sa VAT-Free list

PINALAWAK ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang saklaw ng mga gamot na hindi na sakop ng VAT, batay sa dalawang bagong Revenue Memorandum Circulars (RMC) na inilabas ngayong taon.

Ayon sa BIR, kabuuang 19 na bagong gamot ang idinagdag sa listahan ng VAT-exempt medicines sa ilalim ng RMC No. 59-2025 at RMC No. 62-2025. Ang mga ito ay tumutugon sa mga sumusunod na karamdaman:

Kabuuang 19 na bagong gamot na idinagdag sa listahan ng VAT-exempt medicines:

(RMC No. 59-2025 at RMC No. 62-2025)

  • 7 gamot para sa cancer
  • 3 gamot para sa diabetes
  • 3 gamot para sa altapresyon (hypertension)
  • 1 gamot para sa mataas na kolesterol (high cholesterol)
  • 1 gamot para sa sakit sa bato (kidney disease)
  • 1 gamot para sa tuberculosis (TB)
  • 3 gamot para sa mental illness

Ayon sa opisyal, karamihan sa mga gamot na ito ay itinuturing na maintenance at lifesaving, kaya’t malaking ginhawa ito sa mga pasyenteng umaasa sa regular na gamutan.

Layunin ng mga bagong patakarang ito na mapagaan ang gastusin ng mga Pilipinong may chronic o malulubhang karamdaman.

Ang VAT exemption ay ipinatutupad alinsunod sa mga probisyon ng TRAIN Law (RA 10963) at CREATE Act (RA 11534), at base sa mga rekomendasyon ng Food and Drug Administration (FDA).

“Ang exemption ay nagiging epektibo pagkatapos na opisyal na magpalabas ang FDA advisory ukol sa updated na listahan. Para sa mga eksaktong petsa ng publication, i-check natin iyan sa FDA website,” ayon kay Romeo Lumagui, Jr., Commissioner, BIR.

Kaugnay nito, tiniyak ng BIR ang mahigpit na monitoring at audit sa mga pharmaceutical companies at retailers para sa tamang implementasyon ng VAT exemption.

“So, of course, dito katuwang natin ang FDA at DTI at iba pang ahensiya upang masiguradong maipapasa ang benepisyo, naipapasa ang benepisyo sa mga mamamayan,” dagdag ni Lumagui.

Nanawagan din ang BIR sa publiko na agad i-report ang mga botikang patuloy pa ring naniningil ng VAT sa mga gamot na dapat ay exempted na.

Hinihikayat ng ahensiya na isama sa reklamo ang mga detalye gaya ng pangalan ng establisyemento o botika, kumpletong address, at kopya ng resibo upang agad itong maaksyunan.

“Of course dito sa aming ahensiya sa BIR, puwede po tayong i-kontak sa email natin, [email protected]. Maaari ninyo ring isumbong iyan sa Food and Drug Administration at sa Department of Trade and Industry. Ipakita po natin ‘yong RMC or sabihin po natin na hindi na po dapat pinapatawan ng VAT ito,” ani Lumagui.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble