MAAGA pa lang ay pinilahan na ang isang branch ng Petro Gazz sa Mandaluyong dahil sa pagbaba ng presyo ng petrolyo.
Sunud-sunod ang pagdating ng mga motorista ngayong araw sa branch ng Petro Gazz sa Mandaluyong City.
Malaki ang ibinababa sa presyo ng mga produktong petrolyo ng naturang gas station.
Sa ating nakapanayam na mga motorista, malaki ang naitulong ng bawas-presyo lalo na sa mga pampasaherong sasakyan.
“Malaking tulong po rin yan kasi kahit tatlong piso rin yan mahirap kasi kitain ng mga mamamasada eh. Kahit tatlong piso rin yan malaking tulong sa amin yan sa mga tricycle driver, mga jeepney driver kahit papaano nakakatulong sa amin yan,” ayon kay Micky Nuñega, isang tricycle driver.
“Syempre malaking tulong po sa aming mga rider sa pagbaba ng gas kasi kapag tumataas talo rin kami sa delivery eh,” ayon naman kay Journie Miranda, isang delivery rider.
Ayon sa kompanyang Petro Gazz, nagsimula ang bawas-presyo sa produktong petrolyo ngayong araw na tatagal hanggang sa Marso 13.
Paliwanag ng kumpanya, layon ng naturang rollback na maibsan ang epekto ng nararanasang taas-presyo sa mga produktong petrolyo sa mga motorista.
Sa anunsyo ng Petro Gazz, bababa ng P5.85 ang presyo sa kada litro ng diesel habang P3.60 naman sa kada litro ng gasoline.
Mababatid na sampung sunod na linggo na may ipinatupad na oil price hike sa bansa dahilan para humingi ang transport group ng taas pasahe.
Sa ngayon ang presyo ng diesel ay P56.35 ang unleaded P64.65 at XCX P65.65 yan muna ang update sa naturang gasoline station.