Gatchalian, ipinagbunyi ang napipintong pagsasabatas ng SIM Registration Bill

Gatchalian, ipinagbunyi ang napipintong pagsasabatas ng SIM Registration Bill

IPINAGBUNYI ni Senador Win Gatchalian ang inaasahang pagsasabatas ng SIM Registration Bill matapos aprubahan ito ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa.

Ang napipintong batas ay inaasahang makatutulong sa pagsugpo ng iba’t ibang uri ng cybercrime gaya ng pagnanakaw ng pagkakakilanlan o identity theft at paglaganap ng mga mensaheng spam at phishing.

“Ang pagpaparehistro ng SIM ay magbibigay daan sa mga awtoridad na itatag ang pagkakakilanlan ng mga SIM card users at inaasahan nating matutugunan nito ang problema ng pagtaas ng mga insidente ng krimen na may kinalaman sa paggamit ng mga SIM card,” sabi ni Gatchalian.

Sa pagpaparehistro ng SIM, magiging madali para sa mga awtoridad na matunton ang mga kawatan o grupong gumagawa ng online crimes, diin ng senador.

Sinabi niya na ang mga telecommunications companies, na madalas na sinisisi sa ilang mga cyber atrocities, ay nagsabi na rin na ang SIM card registration ay makababawas nang husto ng spam at phishing text messages.

Si Gatchalian ay naghain ng Senate Bill No. 153 na naglalayong puksain ang mga insidente ng terorismo at iba pang mga kriminal na aktibidad sa pamamagitan ng SIM.

Kaya naman kailangan na aniyang i-regulate ang pagbebenta at pamamahagi ng mga SIM upang mabigyan ang mga awtoridad ng mga gamit na tutulong sa kanila sa pagresolba ng mga krimen at pagpigil nito.

Halimbawa, ang pagsasabatas ng SIM registration bill ay maaaring makatulong sa pagtugon sa isyu ng iligal na pagbebenta o pautang ng mga mobile o e-wallet account.

Sinabi niya na ang mga cyber criminal ay karaniwang gumagamit ng mga e-wallet account na hindi nakarehistro sa ilalim ng kanilang mga pangalan sa pagsasagawa ng mga cybercrimes.

Ang ganitong mga aktibidad ay mapipigilan ng mandatory na pagpaparehistro ng mga SIM card, ayon kay Gatchalian.

Ang panukala ay magpapalakas din ng kumpiyansa ng publiko na magsagawa ng mga digital na transaksyon at mabawasan ang takot na makatagpo ng mga masasamang grupo o indibidwal na gumagawa ng mga cyber crime.

“Inaasahan natin na ang SIM registration ay makakabawas sa patuloy na paglaganap ng cybercrimes sa bansa at makakapigil sa mga taong gumagawa ng kasamaan para mambiktima sa ating mga kababayan,” pagtatapos ni Gatchalian.

Follow SMNI NEWS in Twitter