Gatchalian kinastigo ang NTC sa kabiguan na maipatupad ang SIM registration law laban sa mga POGO

Gatchalian kinastigo ang NTC sa kabiguan na maipatupad ang SIM registration law laban sa mga POGO

KINASTIGO ni Senador Win Gatchalian ang National Telecommunications Commission (NTC) dahil sa kabiguan nitong maipatupad ang mga probisyon ng SIM registration law na humahantong sa paggamit ng mga scammers sa iba’t ibang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na gumawa ng mga aktibidad ng pandaraya at scamming.

“Dapat gawin ng NTC ang trabaho nito na tiyakin ang epektibong pagpapatupad ng SIM registration law. Ang layunin ng batas na ito ay magbigay ng pananagutan para sa mga gumagamit ng mga SIM card at suportahan ang pagpapatupad ng batas sa pagsubaybay sa mga krimen na ginagawa sa pamamagitan ng telepono. Ngunit dahil tila nakalimutan na ng NTC ang responsibilidad nito, ang mga scammer sa industriya ng POGO ay patuloy na gumagamit ng SIM card nang walang tigil,” sabi ni Gatchalian.

Sabi niya na ang isang common denominator sa mga POGO na isinailalim sa pagsalakay ng mga awtoridad ay ang bulto-bultong mga SIM card na ginagamit para sa pandaraya at paggawa ng kung anu-anong scam. Nakita ito ng publiko noong ni-raid ang Smartweb Technology Corp. sa Pasay City, Zun Yuan Technology sa Bamban, Tarlac, at sa paghalughog sa Lucky South 99 na sumasaklaw sa Porac at Angeles City sa Pampanga.

Sa kaso ng Zun Yuan, natuklasan ng mga awtoridad ang mga SIM card na may maling pagkakakilanlan, kasama ang iba’t ibang mga telepono at mga script na ginagamit sa pang-iiscam. Ang mga SIM card ay ginagamit sa pagsasagawa ng love scam, cryptocurrency scam, at iba pang mga investment scam. Bukod sa mga SIM card, ang ginawang search at seizure operation sa loob ng Lucky South 99 ay humantong din sa pagtuklas ng iba’t ibang phone device, droga, at mga sinasabing torture device.

Ayon kay Gatchalian, ang Republic Act No. 11934, o ang SIM Card Registration Act, ay isinabatas na may pangunahing layunin na bawasan, kung hindi man tuluyang maalis, ang mga scam na ginagawa sa pamamagitan ng text o online messages. Mula noong ipatupad ang batas noong Oktubre 10, 2022, ang mga aktibidad ng scamming ay tumaas nang malaki, taliwas sa inaasahan.

“Ang pagpaparehistro ng SIM ay napakahalaga upang labanan ang mga online na krimen na ginagamitan ng telepono. Kung tutulog-tulog ang NTC ay talagang hindi maisasakatuparan ang mandato nito,” sabi ni Gatchalian, na co-author ng SIM Registration Act.

“Hindi dapat ipagwalang-bahala ng NTC ang batas at siguraduhing maayos ang pagpapatupad ng batas na ito ng mga telco operators,” dagdag niya.

Si Gatchalian ay nagsusulong para sa pagsasara ng mga POGO sa bansa sa gitna ng dumaraming insidente ng mga krimen na nauugnay sa industriya kabilang ang human trafficking, illegal detention, kidnapping, at iba’t ibang scamming activities tulad ng love at investment scam na ginagamitan ng SIM cards.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble