Nangako si re-electionist Senator Sherwin Gatchalian na muli nitong isusumite ang hakbang na naglalayon para sa mandatory registration ng mobile phone subscriber identity module o sim cards kung mananalo ito sa eleksyon sa May 9.
Sinabi ito ni Gatchalian na siyang sumulat ng Senate Bill 176 o ang Act Requiring the Registration of all Users of Pre-paid sim cards matapos na i-veto ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang nasabing bill.
Sa isang pahayag, sinabi ni acting Presidential Spokesperson Martin Andanar na naniniwala si Pangulong Duterte na ang panukalang batas ay mas kailangan pang pag-aralan.
Tugon ni Gatchalian, matagal nang inaabuso ng mga kriminal ang hindi pagkakakilanlan o anonymity upang isagawa ang kanilang mga ilegal na aktibidad at dahil dito ay nawawalan ng kumpyansa ang publiko na gamitin ang kanilang mga mobile phones sa paggawa ng digital transactions dahil sa takot sa mga manloloko.