HINIMOK ni Senator Win Gatchalian ang Energy Regulatory Commission (ERC) na parusahan ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) nang naaangkop para sa mga naantalang proyekto ng transmission na nakaaapekto sa suplay ng kuryente sa bansa.
“Lubos kong iminumungkahi sa komisyon na ipatupad ang mga multa at parusahan ang NGCP para mabigyan ito ng disiplina. Wala tayong nakikitang disiplina dahil marami sa kanilang mga proyekto ay naaantala,” ani Gatchalian, kaugnay sa mga proyekto ng NGCP na naantala kabilang ang mga backbone projects nito.
Sa katatapos lang na pagdinig na isinagawa ng Senate Committee on Energy, ibinunyag ni ERC chairperson Monalisa Dimalanta na ang pagkumpleto ng humigit-kumulang 66 na transmission projects ay kasalukuyang naantala, wala pa rito ang 6 na proyekto na itinuturing na “of national significance.”
“Ang punto dito ay naantala ang mga proyekto at ano ba ang mga parusa para dito dahil hindi natin pwedeng ipagsawalang bahala ito. Walang napaparusahan kasi walang ipinapataw na parusa. Ang mga naantalang proyekto ay nakaaapekto sa buong industriya ng kuryente at nagdudulot ng panganib para sa kinabukasan ng bansa,” diin ni Gatchalian.
Hinimok din ng mambabatas ang ERC na repasuhin ang rate-setting methodology pagdating sa transmission projects ng NGCP.
“Bakit natin pinahihintulutan silang mangolekta mula sa mga konsyumer sa pagsisimula pa lang ng proyekto nang walang tinutukoy na timeline kung kailan sila maaaring magpatuloy sa pagkolekta para sa isang proyekto? Nagdudulot ito ng maling insentibo dahil kung ang proyekto ay naantala ng 40 na taon, pwede din silang mangolekta ng 40 na taon lalo na’t delayed pa ang rate reset nila,” aniya.
Binigyang-diin din ng mambabatas na layunin ng ERC na kumpletuhin ang rate reset nito ng transmission rates sa lalong madaling panahon dahil maaari itong makinabang sa mga konsyumer sa pamamagitan ng pinabuting serbisyo at pagiging bukas sa tamang rates.
“Mula sa ating kinatatayuan, ang ating mga mamimili ay lubhang napinsala dahil hindi natin nakikita ang mga proyekto, hindi natin natatamasa ang mga benepisyo pero gayunpaman ay inaatasan silang magbayad sa mga hindi pa nakumpletong proyekto,” aniya.
Sa parehong pagdinig, nabunyag na ang NGCP ay patuloy na nagbabayad ng mga dibidendo sa mga shareholder nito mula 2008 hanggang 2022 mula P6.8-B – P24-B bawat taon.