DALAWANG araw na lang ay bubuksan na ng Commission on Elections (COMELEC) ang filing ng certificates of candidacy para sa mga interesado at kwalipikadong tumakbo para sa 2025 national at local elections.
Ayon kay COMELEC Chair Atty. George Garcia, handa ng tumanggap ng COC ang kanilang mga election officers mula senador hanggang councilors sa Oktubre 1 – 8.
Pero bago pa man magsimula ang COC filing, mayroon na umanong sindikato ang nag-iikot sa buong bansa para pagkakitaan ang eleksiyon at nagsasabing kaya nitong i-maniobra ang halalan at ipinalo ang isang partikular na kandidato.
Ayon kay Garcia, walang sinuman ang may kakayahang imaniobra ang resulta ng eleksiyon.
“In 5 minutes kaya daw po nila, depende ang presyo sa posisyon, dito nga po sa NCR ang offer ay 300M para sa kandidato for congressman. Doon sa probinsya para panalunin ang kandidato for governor, 70M, kilala daw nila si chairman, may kilala daw sila sa technology information dept ng COMELEC o di kaya’y may kilala daw sila sa Miru Systems na kayang kaya raw nilang maniobrahin ang halalan.”
“Lahat po ng ‘yan ay kasinungalingan. Hinding hindi po mamaniobra ang halalan,” ayon kay Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.
Dagdag pa nito, simula noong 2010 ay wala pang napatunayan na may presintong nakapagpabago ng resulta ng halalan.
Kung pagbabatayan aniya ang quick count ng NAMFREL at PPCRV ay laging 99.9 percent itong accurate o tugma mula sa transmission results na kanilang nakukuha sa server.
Ayon pa kay Garcia, dahil bago na rin ang makinarya at sistema na gagamitin sa halalan ay malabong madadaya ang resulta ng halalan.
Ang mga sindikatong ito hindi aniya uubra.
“Dahil ipapakita namin mismo ang picture image ng mga balota na maihuhulog sa buong hapon,” aniya.
Ayon kay Garcia, nakapagsulat na sila sa NBI hinggil sa mga gawain ng mga sindikato na lumalapit ngayon sa mga aspirant.
Paghihimok nito, na kung sila man ay lalapitan ng mga taong ito ay agad silang ipa-aresto sa mga awtoridad.
Tutulong aniy ang COMELEC para sila ay mausig.
Doon sa mga nalapitan na at nakapagbigay ng bayad ay maaari namang magsampa ng kasong estafa.
“Ang kalimitang strategy ganito, sasabihin ‘yan po ang ginagawa nilang style,” aniya pa.