Gen Z mas ginagamit ang TikTok kaysa Google bilang search engine

Gen Z mas ginagamit ang TikTok kaysa Google bilang search engine

BAGAMA’T Google ang ginagamit ng karamihan sa “pagsesearch” o paghahanap ng impormasyon sa online, ang mga kabataang kabilang sa Gen Z o Generation Z ay may ibang search engine, ayon sa pinakahuling ulat ng Google.

Ipinapakita ng internal na data ng Google na halos 40 porsiyento ng mga kabataan na nabibilang sa Gen Z ay mas gustong gumamit ng TikTok para sa mga pagsesearch online, kaysa sa Google mismo.

Sinabi ng Google Senior Vice President na si Prabhakar Raghavan sa isang pagpupulong tungkol sa kinabukasan ng mga produkto ng Google na ang mga nakababatang user ay madalas nang bumabaling sa social media – gaya ng TikTok o Instagram upang mag-search o magdiskubre ng mga bagay sa paligid, sa halip na sa Google Search o Maps.

Sinabi ni Raghavan na ang mga Gen Z users ay hindi madalas na mag-type ng mga keyword, sa halip ay naghahanap upang tumuklas ng mga bagong content, mas kaakit-akit panoorin, at mas nakaka-engganyong mga paraan upang manood at magkaroon ng kaalaman. Ang mga miyembro ng Gen Z ay ipinanganak mula 1997-2012.

Gayunpaman, sinabi ng mga consultant sa social media na ang Gen Z ay may posibilidad na maghanap ng mas magaan na mga paksa tulad ng mga recipe, mga tip sa fashion, at rekomendasyon sa restaurant sa social media, ngunit iniiwan ang mas mabibigat na paksa tulad ng COVID-19 o pulitika sa Google upang i-verify ang impormasyon.

Ngunit ang trend ng paggamit ng mga larawan at video sa mga online ay mas nagiging regular.

Sa unang bahagi ng taong ito, ipinakita ng Google ang isang bagong feature nito na tinatawag na “Multisearch” upang bigyan ang mga user ng paraan na makapag-search gamit ang kombinasyon ng teksto at mga larawan.

Sinabi ng executive ng Google na ang kompanya ay naghahanap patungo sa pagsasama-sama ng mga larawan sa teksto habang iniisip nito ang isang hinaharap kung saan maaaring hawakan ng mga user ang kanilang telepono upang magsimula ng paghahanap batay sa kanilang nakikita.

Follow SMNI NEWS in Twitter