SA isang one on one interview ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, inamin ni Southern Luzon Command LtGen. Antonio Parlade Jr. ang naging karanasan nito at ng kanyang pamilya mula sa kamay ng mga rebeldeng teroristang grupo na CPP-NPA-NDF.
Hindi iba sa normal na mga bata at estudyante si South Luzon Command Chief LtGen Antonio Parlade, Jr.
Aniya, mula sa payak na pamumuhay sa probinsya, nagsikap siya hanggang sa naabot nito ang pangarap bilang isang sundalo mula sa iba’t ibang misyon at ngayo’y matapang na ginagampanan ang tungkulin bilang tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
At bilang isang ama sa kanyang pamilya, sinikap nito na ipaunawa sa kanyang mga anak ang kasalukuyang estado ng bansa lalo na sa mga karaniwang pag-aaklas na nagaganap sa iba’t ibang bahagi ng bansa na pinangungunahan ng teroristang komunistang grupo na CPP-NPA-NDF, lalo pa’t karamihan din sa mga miyembro nito ay mga inosenteng kabataan.
Payo nito sa kanyang mga anak, huwag itong pamarisan.
Sa katunayan ani General Parlade, maging ang kanilang pamilya ay nakaranas din ng mga pang-aabuso at panlalamang mula sa kamay ng mga rebeldeng grupo na ito.
Aniya, takot at pangamba ang idinulot ng mga NPA sa kanilang buhay at maging sa kanilang lugar dahil sa mga pangingikil na ginawa ng mga ito.
Hinangaan naman ng Defense Department ng bansa si Parlade dahil sa katatagan ng loob nito na harapin ang mga pagsubok sa buhay nito partikular na sa posisyon bilang tagapagsalita ng NTF-ELCAC.
Nauna nang sinabi ng pamunuan ng AFP at PNP na posibleng ikinagagalit ngayon ng pamunuan ng CPP-NPA-NDF ang sunud-sunod na pagsuko ng mga kasapi nito sa pamahalaan dahil sa pagkamulat sa mga kasinungalingan ng nasabing komunistang grupo.
Ang dalawang ahensya ay tahasang kumokondena ngayon sa sunud-sunod na pag-atake ng mga NPA sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang ipakita ang pagkukunwari na may lakas pa sila sa lipunan.
Sa huli, ibinulgar din ni General Parlade sa nasabing panayam ang pagtutol ng mga makakaliwang grupo sa red tagging upang hindi nito makante ang layunin nilang pabagsakin ang gobyerno.
Kaya naman gumagamit aniya ito ng iba’t ibang legal fronts o grupo habang isinasakatuparan ng pinuno ng CPP-NPA-NDF ang plano nilang panlilinlang sa publiko.
Sa kanyang programang Powerline, demonyo kung ituring ni Pastor Apollo C. Quiboloy ang mga NPA dahil sa pagiging salot nito sa lipunan.
Galit na ipinamukha ni Pastor Apollo ang pagkondena nito sa grupo at sinabing walang kinikilalang Diyos ang mga kasapi ng komunistang grupo na CPP-NPA-NDF.
(BASAHIN: Pananatili ni Parlade bilang tagapagsalita ng NTF-ELCAC, ikinadismaya ng senador)