Germany, mas pinaigting pa ang lockdown hanggang Abril 18

INANUNSYO ng Germany ang pagpapalawig ng restriksyon ng lockdown hanggang Abril 18 sa gitna ng tumataas na bilang ng impeksyon ng COVID-19.

“We have not yet been able to defeat the virus, it does not give up,” ayon kay Chancellor Angela Merkel.

Dagdag pa ni Merkel, nasa seryosong sitwasyon na ang kanilang bansa dahil sa tumataas na kagipitan na nararanasan sa mga intensive care unit at ang paglaganap ng nakahahawang variants ng COVID-19.

“We are in a race with vaccination,” aniya pa.

Idiniin ni Merkel na nahaharap ngayon ang bansa sa bagong pandemya dahil sa bagong virus na mas nakamamatay at mas nakahahawa.

Muling ipatutupad ang mas pinaigting na lockdown sa mga lugar na may incidence rate na mahigit sa 100 sa tatlong magkasunod na araw.

Inilagay ang mas pinaigting na lockdown dahil sa mga panawagan ng health experts para sa full lockdown kasabay ng curfew hours sa gabi.

Napapailalim ngayon ang pamamahala ni Merkel sa matinding panggigipit mula sa publiko dahil sa paghawak nito sa krisis ng pandemya lalo na sa mabagal na vaccination program nito.

Nasa 9 porsiyento pa lamang ng populasyon ng Germany ang nababakunahan simula nang inilunsad ang unang vaccination drive noong Disyembre kung saan 7.5 milyon ang nabakunahan ng unang dosis habang 3.3 milyon naman ang nakakuha na ng ikalawang dosis.

Isa sa problema sa Germany ay maaari lamang mababakunahan ang publiko sa mga natukoy na vaccination center at hindi sa mga opisina ng mga doktor.

Inamin naman ni Merkel ang mabagal na pagpapatupad nito sa vaccination rollout at aniya ay maaari nang makapagbakuna ang mga doktor sa mga pasyente sa kanilang mga opisina simula sa Abril 1.

(BASAHIN: Mahigit 4K Filipino nurses, ipadadala sa Germany ngayong taon)

SMNI NEWS