INAMIN ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na kapos na sa oras ang koponan para sa nalalapit na FIBA Asia Cup 2025 kaya’t pinag-aaralan pa nila kung saan isasagawa ang kanilang tune-up games—sa Maynila o sa Middle East.
Aniya, parehong mahalaga ang ensayo at mga friendly matches para sa matibay na preparasyon, lalo na’t gaganapin ang torneo sa Jeddah, Saudi Arabia mula Agosto 5-17.
Kabilang sa Group D ang Gilas Pilipinas kasama ang New Zealand, Taiwan, at Iraq.
Naipanalo ng Gilas ang laro kontra New Zealand sa Mall of Asia Arena noong Nobyembre, 92-88, ngunit gumanti ang Tall Blacks sa kanilang homecourt noong Pebrero, 87-70.
Natalo rin ang Gilas sa Taiwan noong Pebrero, 93-84, bagamat nanalo sila ng malaking lamang noong unang window sa Maynila, 106-53.
Sa bagong format ng FIBA Asia Cup, kailangang manguna ang Gilas sa Group D upang direktang makapasok sa quarterfinals.