Giyera kontra pekeng mga gamot, idineklara ng FDA chief

Giyera kontra pekeng mga gamot, idineklara ng FDA chief

PINANGUNGUNAHAN ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagdiriwang ng ‘National Consciousness Week Against Counterfeit Medicine,’ kasabay nito ay may ginawang deklarasyon ang FDA laban sa pekeng mga gamot.

Ginanap ang event sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City ngayong araw ng Biyernes.

Ang FDA ang host sa naturang week-long celebration mula November 14-18, 2022 na may temang “Technology and Regulation at the forefront of fighting counterfeit medicines – Maging Mapanuri, MAGKAISA! Labanan Pekeng Medisina.”

Kaisa ng FDA sa ‘National Consciousness Week Against Counterfeit Medicine’ ang World Health Organization (WHO), Department of Health (DOH), Department of Trade and Industry (DTI), Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), National Bureau of Investigation (NBI), Local Government Units (LGUs), pharmaceutical industry at iba pa.

Ang naturang okasyon ay nagbibigay-daan para sa mga stakeholder upang makipag-ugnayan at mag-ambag ng mga estratehiya para sa epektibong pagpapatupad ng mga aktibidad.

Ito ay gaya na lamang ng pagpapataas ng antas ng kamalayan ng publiko tungkol sa panganib na epekto ng mga pekeng gamot sa kanilang kalusugan.

Kaugnay dito, nagdeklara ang FDA sa pangunguna ng pinuno ng ahensiya na si Dr. Samuel Zacate ng giyera laban sa mga pekeng gamot.

Giit ng FDA chief, walang lugar sa ilalim ng administrasyong Marcos ang masamang intensyon ng mga gumagawa ng counterfeit medicines.

Kabilang sa hakbang ng FDA kontra pekeng gamot, ay mas mahigpit ang kanilang koordinasyon sa law enforcement agencies gaya ng CIDG at NBI.

Siniguro ni Zacate na lalabas ang pangil ng FDA oras na may makarating na reklamo sa kanila hinggil sa counterfeit medicines.

Ibeberipika aniya ito ng ahensiya kung talagang peke ito dahil may listahan naman ang FDA ng mga otorisadong gamot, at saka gagawin ang operasyon.

Paiiralin din ng FDA ang intel operations kasabay ang smooth coordination at smooth operations katuwang ang law enforcement agencies.

As of October 18, 2022, nakapagtala ang FDA ng kabuuang 423 counterfeit medicines, na kinabibilangan ng 27 brands of medicines.

Inihayag naman ni FDA Director for Common Services Laboratory Jocelyn Balderrama na malaking factor ang pandemya sa paglipana ng fake medicines.

Sa isang video message naman ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. pinuri nito ang FDA sa pagpatupad ng RA No. 8203 o ang Special Law on Counterfeit Drugs.

Sinabi nito na mananatiling committed ang pamahalaan kontra pamemeke ng pharmaceutical products para protektahan ang nasabing industriya at ang mga Pilipino.

Ilang mambabatas, naglahad ng suporta sa adbokasiya na wakasan ang ‘counterfeit medicines’

Nagbigay naman ng kanilang ‘message of support’ ang ilang mga mambabatas laban sa counterfeit medicines.

Samantala ibinahagi naman ni Atty. Larry Gadon na guest speaker sa event, ang kanyang naging obserbasyon ukol sa tila fake information na nilalabas sa advertisements, na nagki-claim na maganda ang gamot na ito para panlunas sa sakit.

Kaya bukod sa pagtutok laban sa fake medicines ay iminungkahi rin ni Gadon sa FDA na tingnan din ng ahensiya ang mga naglilipanang pekeng impormasyon na ito.

CIDG, tiniyak na kaagapay ito ng FDA sa pagsugpo sa mga pekeng medisina

Tiniyak naman ng CIDG na kaagapay ito ng FDA at iba pang ahensiya sa pagsugpo sa counterfiet medicines.

Simula nang tumama ang COVID-19 pandemic noong March 2020 hanggang November 15, 2022, nakapagsagawa na ang CIDG ng 71 operations laban sa counterfeit medicines at hindi otorisadong pagbebenta ng COVID-19 antibody test kits.

Mula naman January 1, 2022 hanggang November 15, 2022, nasa kabuuang 29 operations ang naisagawa ng CIDG.

Pinaalalahanan naman ng FDA ang publiko na icheck ang binibiling gamot sa pamamagitan ng verification portal ng FDA para matiyak na ito ay lehitimo.

Bukod sa dineklarang giyera kontra pekeng gamot, tiniyak din ng FDA ang pagtugon sa isyu ng korupsiyon, red tape, backlogs at iba pang usapin.

Follow SMNI NEWS in Twitter