BINALAAN ng Globe Telecom ang publiko lalong-lalo na sa mga college freshmen ukol sa kumakalat na job recruitment scam sa social media, partikular sa Facebook.
Ayon sa Globe, ginagamit sa modus ang manipulated photos na nagpapakitang nag-aalok umano ng trabaho ang Globe sa mga college freshman sa ilalim ng work-from-home arrangement na may suweldong P35,000 kada buwan.
Dagdag pa nito, mayroon ding mga pekeng account na gumagamit ng larawan ng mga empleyado ng Globe para isipin ng mga kustomer na nakikipag-ugnayan sila sa mga lehitimong Globe personnel.
Ayon kay Globe Chief Privacy Officer Irish Salandanan-Almeida, i-verify kung totoo ang impormasyon na makikita sa online dahil kalat na ang scam sa social media.
Iwasang magbahagi ng personal o financial information hanggang ma-verify na totoo ang inaalok na trabaho dahil maaari itong magamit para ma-access ang mga online accounts, katulad ng e-wallets o bank accounts.
Kaya naman pinapayuhan nito ang publiko na huwag i-click ang mga kahina-hinalang link, gumamit ng mas matitinding password, at i-activate ang multi-factor authentication para mas maprotektahan ang kanilang mga online account.
Ang Phishing ay isang karaniwang uri ng online fraud kung saan ang mga cybercriminal ay nagpapanggap bilang isang lehitimong organisasyon o indibidwal gamit ang email, post, o text message.
Patuloy ang Globe sa pagpapatupad ng mga hakbang para labanan ang online fraud at cybercrime.