WALANG takot na haharapin nina Senador Christopher “Bong” Go at Ronald “Bato” Dela Rosa ang kasong ‘crime against humanity’ at ‘genocide’ sakaling gugulong ang kaso dito sa korte sa bansa.
Ito ay matapos irekomenda ng Quad Committee ng Kamara ang mga nasabing kaso araw ng Miyerkules laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at iba pa nitong mga kaalyado na may kaugnayan sa War on Drugs campaign ng dating administrasyon.
Para kay Sen. Bato, ang nasabing hakbang ng QuadComm ay isang political demolition na may layuning siraan ang mga Duterte at ang kanilang mga supporter.
Paaran din aniya ito para mabawasan ang mga kakampi ng mga Duterte sa Senado at isulong ang pag-impeach sa puwesto kay Vice President Sara Duterte.
“‘Yan ang gusto talaga nilang mangyari, para ma-demolish tayo, lalong-lalo na eleksyon na. At kapag kaming dalawa ni Sen. Bong Go ay hindi mananalo next year dahil na-demolish kami nang husto ngayon ay wala nang haharang dito sa Senado sa impeachment nila na gagawin kay VP Sara,’ ayon kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.
Sinabi naman ni Sen. Bong Go na kaniya na lamang ipauubaya ang desisyon sa mga korte sa bansa sakaling maisasampa ang kaso.
Bukod pa rito ay sinabi rin ni Go na hayaan ang mga Pilipino na umusisa kung umayos ba ang peace and order sa bansa sa panahon ng termino ni dating Pangulong Duterte.
‘More importantly, let the Filipino people decide kung umayos ba ang peace and order sa bansa at nakabenepisyo ba sila noong panahon ni FPRRD. Sila na po ang humusga kung mas nakakalakad ba sila nang tahimik noon nang walang pangamba na masaktan at may peace of mind na makakauwi ang ating mga anak nang ligtas,’ saad ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go.
Bukod kay dating Pangulong Duterte, Sen. Go at Bato ay kabilang din sa pinasasampahan ng QuadComm ng kasong crime against humanity at genocide kabilang ang dalawang dating PNP chief na sina Oscar David Albayalde at Debold Sinas, retired Police Colonel Royina Garma, dating National Police Commission Commissioner Edilberto Leonardo, at dating tauhan ni Sen. Bong Go na si Herminia Espino.