Gobernador ng Cagayan, may paalala sa mga kabataan na first time voters ngayong BSKE

Gobernador ng Cagayan, may paalala sa mga kabataan na first time voters ngayong BSKE

PUSPUSAN ang isinasagawang information campaign ngayon ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan.

Ito ay kasabay ng pangangampanya ng mga kumakandidato ngayong Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023.

Ito’y upang maiwasan ang vote buying ngayong eleksiyon.

Sa panayam ng SMNI News NCL kay Cagayan Gov. Manuel Mamba, umiikot sila ngayon mula sa mga junior at senior high school at maging sa mga kolehiyo at unibersidad upang mabigyan kaalaman lalo na ang mga first time voter pagdating sa vote buying.

Bagama’t walang hotspot sa kanilang lugar ay tulong-tulong ang buong lalawigan upang mapalaganap ang impormasyon ukol dito.

Ani Mamba, ang vote buying na nagreresulta sa magastos na eleksiyon ay ang dahilan ng korapsiyon sa mga politiko.

‘‘Expensive election is the cost of corruption of our political leaders. Kasi sila naman ay gumagastos ng bilyung-bilyon, daang milyon. So sila ang magiging corrupt ng ating burukrasya. Kaya ito po’y lalabanan natin at sa awa ng Diyos, very receptive naman ang mga estudyante lalong-lalo na ‘yung mga Grade 10, 11 at 12 at ganon din ‘yung mga colleges natin,’’ ayon kay Gov. Manuel Mamba, Cagayan.

Malaki rin ang pasasalamat nito sa Commission on Elections (COMELEC) at pinuri si COMELEC chairman George Garcia dahil na-address ng komisyon ang mga ganitong klase ng problema tuwing eleksiyon.

Bagama’t marami ang tumutulong na mangampanya laban sa vote buying ay mayroon pa ring naitatala na insidente sa ilang barangay ng lalawigan.

Apat na barangay ngayon ang kanilang binabantayan dahil sa insidente ng vote buying.

Hindi muna rin aniya nito isisiwalat sa publiko at saka na lamang aniya ito ilalabas sa oras na maihanda na nila ang affidavit laban rito.

‘‘Hopefully baka maka-convict tayo kahit isa, dalawa para malinisan natin ang klase ng eleksyon natin. Alam mo sa demokrasya, democracy will only work when you have good leaders. And good leaders are the product of an honest election,’’ aniya Gov. Mamba.

Muli rin itong nakiusap na maging responsable ang mga botante sa pagpili ng mga kandidatong pipiliin nila ay tiyak na hindi magdudulot ng sama at sakit ng loob pagkatapos ng eleksiyon.

‘‘Ako ay nakikiusap hindi lang, alam ko ang inyong programa ay buong Pilipinas ito, gusto po nating labanan at ang korapsiyon sa gobyerno, gusto po natin na malinis ang ating gobyerno dahil tayo po ay namimili ng ating mga leaders. Huwag na huwag po nating ibenta ang boto natin. Kung may magbigay kunin niyo ‘yung pera pero ‘wag na ‘wag niyo pong iboto mga kandidatong ‘yan. Sigurado ko po ‘yan ay magnanakaw na naman sa ating gobyerno. Linisan natin ang baba lalong-lalo na ang mga kabataan. Linisan din natin ang barangay para pagdating ng pamimili natin ng Mayor, Congressman, Governor, Senador at Presidente, Bise Presidente sisiguraduhin ko po na mailinis ang gobyerno natin basta malinis ang baba taas po ‘yan at makikita po natin ang mas magandang kinabukasan at mas magandang klase ng gobyerno,’’ saad pa ni Mamba.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter