Gobernador ng Texas, hiniling na ilipat din ang Twitter sa estado nito

Gobernador ng Texas, hiniling na ilipat din ang Twitter sa estado nito

MATAPOS sumang-ayon ang Twitter na bilhin ni Elon Musk sa isang deal na nagkakahalaga ng humigit kumulang $44 bilyon, hiniling naman ni Governor Greg Abbott ng Texas na ilipat din sa estado nito ang headquarters, na kasalukuyang nasa California.

Nag-tweet kaagad si Gobernador Greg Abbott kay Musk noong Abril 25, na dalhin din ang Twitter Headquarters sa Texas, kasama ng SpaceX at ang Boring na kumpanya na kasalukuyang nasa estado.

Matatandaang nilipat ni Musk ang headquarters ng Tesla sa syudad ng Austin noong nakaraang taon at pinalawig pa ang kanyang SpaceX at ibang kumpanya na Neuralink sa Texas.

Kasalukuyang naka-base ang Twitter sa San Francisco sa California.

Gayunpaman, naniniwala ang ilang eksperto sa industriya na walang dahilan para ilipat ang pisikal na lokasyon dahil ang kumpanya ay virtual.

Ang pagkuha ni Musk sa sikat na kumpanya ng social media ay batay sa kanyang paglalarawan sa kanyang sarili bilang isang “free-speech absolutist,” at ipinahayag niya na nais niyang bilhin dahil hindi nito napatatakbo sa pinakamataas nitong potensyal bilang isang plataporma sa “malayang pagsasalita. “

Sinabi ng Twitter na ito ay magiging isang pribadong kumpanya pagkatapos isara ang deal nito.

Follow SMNI NEWS in Twitter