Gobyerno, malapit nang magkaroon ng sariling online marketplace—DBM

Gobyerno, malapit nang magkaroon ng sariling online marketplace—DBM

MALAPIT nang magkaroon ang gobyerno ng sarili nitong Shopee/Lazada-style online platform.

Sa pamamagitan ng sariling online marketplace ng pamahalaan, ang mga ahensiya ay maaaring direktang bumili ng mga suplay at kagamitan mula sa mga competent at reputable suppliers.

Inihayag ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman at Procurement Service (PS)-DBM Executive Director Dennis Santiago ang malapit nang ilunsad na platform na tinatawag na “eMarketplace.”

Ito ay bahagi ng mga iminungkahing pagbabago sa Republic Act (RA) 9184 o ang Government Procurement Reform Act (GPRA).

Ang RA 9184, na nilagdaan bilang batas 20 taon na ang nakararaan, ay nakatuon sa pagtugon sa kawalan ng transparency at kompetisyon, alisin ang sabwatan at political interference, at bawasan ang procurement process.

Saad ni Pangandaman, ang Government Procurement Reform Act ay isa sa pinakamalaking anti-corruption law sa bansa kung saan kinilala ito ng World Bank bilang world-class legislation.

“The GPRA was one of the biggest anti-corruption laws in the country, which was, in fact, recognized by no less than the World Bank as a world-class legislation,” saad ni Sec. Amenah Pangandaman DBM.

Gayunpaman, nagkaroon ng mabilis na pagbabago sa teknolohiya sa nakalipas na dalawang dekada, at bunsod ng pandemya, nagkaroon ng urgency sa paggamit ng mga digital na transaksiyon sa bansa.

“However, there has been a rapid transformation in technology over the past two decades, and the pandemic propelled the urgency for digital transactions in the country. That’s why our President is correct that we need to make government procurement more attuned to our changing times,” ani Pangandaman.

Una nang inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na labis siyang masigasig sa konsepto ng eMarketplace, na inilarawan ni ED Santiago na kahalintulad ng mga online shopping site na Lazada at Shopee.

Sinabi ni Santiago na noong kasagsagan ng pandemya, nagkaroon ang lahat ng pagkakataon na bumili nang direkta sa source at naging patok ang platform na Shoppee at Lazada.

At dito sa eMarketplace ng gobyerno, ganito rin aniya ang mangyayari.

Sinabi ng DBM official na ang PhilGEPS (Philippine Government Electronic Procurement System) ay magkakaroon ng eMarketplace feature kung saan maglalagay ng produkto rito ang isang supplier.

Inilahad pa ni Santiago na mayroong mechanisms na gagawin ang pamahalaan para ang produkto na ilalagay dito ay maganda, maayos at kapaki-pakinabang.

Inilahad pa ng PS-DBM official na tratrabahuhin nila ang papasok na produkto sa eMarketplace na maayos at mapakikinabangan ng mga opisina ng gobyerno.

Ang eMarketplace— na naglalayong alisin ang mahaba at nakakapagod na procurement process na nagdulot ng pagkaantala sa paghahatid ng mga produkto at serbisyo ng gobyerno— ay nagre-require pa rin sa mga supplier na sumunod sa mga tinukoy na legal, technical at financial requirements upang maisama ang kanilang mga inaalok na produkto sa system.

Nauna rito, inanunsiyo ng Department of Budget and Management (DBM) na pangungunahan ng Procurement Service – Department of Budget and Management (PS-DBM) ang isang e-Marketplace sa ilalim ng Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) para sa government procurement ng mga  motor vehicles.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble