ISANG resolusyon ang inaprubahan ng National Price Coordinating Council (NPCC) na makatutulong umano na mapababa ang presyo ng bigas sa mga pamilihan.
Kasunod ito sa ginawang pagpupulong ng NPCC na pinangunahan ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA).
Sa ilalim ng inaprubahang resolusyon, may kapangyarihan ang Agri Chief para magdeklara ng food security emergency para payagan ang National Food Authority (NFA) na maglabas ng buffer stocks.
“Ang problema ng NFA ngayon ay punung-puno ang warehouse—harvest season is coming so kung puno ang warehouse namin ay hindi kami makapagbili sa mga farmer,” ayon kay Sec. Francisco Tiu Laurel, Jr., Department of Agriculture.
Sa ilalim ng Rice Tariffication Law, limitado lamang ang papel ng NFA sa pagbili ng palay sa mga lokal na magsasaka at pag-iimbak ng bigas.
Tinanggal kasi sa NFA ang kapangyarihan na bumili ng bigas dahil sa maanomalya umanong gawain—patunay anila diyan ang ilegal nilang pagbebenta noon ng buffer stocks sa mga piling negosyante sa presyong lugi ang gobyerno.
Kaya ang hakbang na ito na ginawa ng NPCC na pag-apruba sa naturang resolusyon ay magbibigay-daan na pansamantalang mapapalawak ang kakayahan ng NFA.
“Kailangan kasi ibaba ‘yung price ng rice at kailangan talagang ma-monitor din and we really need to set that all palengke must follow the directive of the DA na dapat ibaba ‘yung presyo ng bigas,” wika ni Sec. Maria Cristina Roque, Department of Trade and Industry.
Pero, para naman sa grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), ang hakbang na ito ng gobyerno ay patunay na walang magandang nagawa ang EO 62 ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.
Kaya, mapipilitin na lamang ang DA na magpatupad ng food security emergency dahil sa kabiguang mapababa ang presyo ng bigas.
“’Yung national o pag-declare ng emergency is already an admission na bigo ‘yung EO 62 kasi kung tagumpay ‘yung EO 62, dapat hindi ka na magre-research sa emergency situation. Kumbaga, naghahanap sila ng solusyon para mapababa ‘yung bigas na ‘yun ang pinangako ng EO 62. So, ‘yung declaration itself ay isang admission na failure kaya dapat ang next move ng NPCC ay ipinawagan na sa NEDA na review na ‘yung EO 62,” wika ni Jayson Cainglet, Executive Director, SINAG.
Puro importasyon daw kasi ang naging prayoridad ng gobyerno na hindi naman nakabenepisyo sa mga lokal na magsasaka, maging ang mga konsyumer.
Bilyun-bilyong piso nga raw ang nawala sa gobyerno na mapakikinabangan sana ng mga magsasaka para mapabuti ang kanilang industriya.
“Bumaha ng imports walang nakikinabang kundi ‘yung mga importer na ganon ang ginagawa for the past 6 to 7 months,” saad ni Sec. Maria Cristina Roque, Department of Trade and Industry.
700,000 bags na bigas ng NFA, nanganganib na mabulok—DA
Katunayan sa buwan ng Pebrero ay target ng DA na ibenta sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila ang suplay na buffer stocks ng NFA.
Sabi ni Asec. Arnel de Mesa, tagapagsalita ng DA, mas dumarami pa ang suplay ng bigas ng NFA na nanganganib na mabulok.
“300,000 doon ay kumbaga ay pumasok na sa category na aging at ‘yung 400,000 ay next month ay posibleng pumasok na rin or papasok na rin sa category na aging,” ani Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.