IKINAGULAT ng Grab Philippines ang desisyon ng Philippine Competition Commission (PCC) na patawan ang kompanya ng panibagong P9-M na multa.
Sa isang pahayag, sinabi ng Grab na sila ay nagulat dahil aktibo naman silang nakikipag-ugnayan anila sa PCC sa loob ng higit na isang taon at nagbibigay ng mga panukala para sa mga alternative mechanism upang mabayaran ang natitirang administrative fees.
Iginiit ng Grab na ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang maubos ang mga hindi na-claim na mga admin fee.
Dagdag pa ng kompanya na ikinagulat din nila ang inilabas na desisyon ng PCC noong Pebrero 2023 nang hindi ipinapaalam sa kanila sa kabila anila ng kanilang mga regular follow up sa PCC.
Gayunpaman, ipatutupad ng Grab ang utos ng PCC para sa alternatibong mekanismo ng refund ayon sa hinihingi ng PCC Order.
Kamakailan ay pinatawan ng panibagong multa ang Grab Philippines ng P9-M dahil bigo umano itong makapag-refund sa mga kustomer nito na unang iniutos ng PCC.