NANGANGANIB na mabawian ng prangkisa ang Grab Philippines dahil sa paglabag nito sa batas.
Sa imbestigasyon sa Senado sa napakalaking surge fee ng Grab ngayong panahon ng Kapaskuhan ay lumutang na pinapapasan na pala ng Grab Philippines sa mga driver nito ang diskuwentong natatanggap ng mga estudyante, persons with disability at senior citizens.
Ito ay matapos tanungin ni Sen. Raffy Tulfo ang Grab driver na si Saturnino Mopas, chairman/spokesperson ng TNVS Community Philippines kung kanino ipinapasa ang 20 percent na discount.
Ipinaliwanag ni Mopas na dati ang Grab Philippines ang bumabalikat ng 20 percent discount subalit anim na buwan ang nakakaraan ay ipinasa na sa mga Grab driver ang kaltas mula sa nasabing discount.
‘’Inimplement po ito nitong taon na ito. ‘Di ko po alam kung anong buwan po ‘yun, ang nagsho-shoulder ay ang drivers na po ngayon ng TNVS. (Kailan na po to?) Sometime mga almost 6 months na po ata nitong pagpasok ng 2024,’’ ayon kay Saturnino Mopas Chairman, TNVS Community Philippines.
Kasunod nito ay inusisa ni Tulfo ang Head of Public Affairs ng Grab na si Atty. Gregorio Ramon Tingson.
Inamin naman ng abogado na kanila itong ginagawa ngunit paliwanag niya na sa panahon ng pandemya ay pinapasan ng Grab ang discount bilang tulong sa mga driver at pinalawig o binigyan lamang ito ng extention.
Iginiit din niya na ang pagpapapasan sa drivers sa diskuwento ay alinsunod sa batas.
“Ang pag-shoulder ng discount ay ginawa po ng Grab dahil sa pandemya para makatulong sa mga driver. Kaya po inextend po natin hangga’t kaya. At ngayon po alinsunod po kasi sa batas ang tanong po sino ang nagsho-shoulder sa fees for the discount. Alinsunod sa batas, ang driver po,” saad ni Atty. Gregorio Ramon Tingson, Head of Public Affairs, Grab Philippines.
Sa sinabi ni Tiongson ay pumalag naman ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sinabi ni LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III na lumabag sa memorandum circular ng ahensiya ang Grab sa pagpasa ng 20 percent discount sa kanilang mga driver.
Ayon kay Guadiz, pagpapaliwanagin niya ang Grab at posibleng masuspinde ang prangkisa ng naturang TNVS sa ginawang pagpasa ng 20 percent discount sa kanilang mga driver na dapat ang kompanya ang babalikat nito.
‘’We have an existing memorandum circular issued by the LTFRB and it is very explicit in it before we award the franchise andun na po ‘yun. The 20 percent discount shall be shouldered by the TNC regardless of whether it is Grab or any other TNC. Yan po ang batas na ipinapatupad namin sa LTFRB,’’ ani Atty. Teofilo Guadiz III, LTFRB Chairperson.