HINIHINTAY pa ang pinal na mga panuntunan para sa pagpapatupad ng granular lockdown sa National Capital Region (NCR).
Ito ang inilahad ni Retired General Restituto Padilla Jr., tagapagsalita ng National Task Force (NTF) against COVID-19 sa Laging Handa public briefing.
Ani Padilla, sa naganap din na pagpupulong kasama ang mga alkalde ng NCR nitong Martes, marami pang lumabas na mga katanungan na hindi pa naging bahagi ng mga nakalatag sa guidelines.
Kaya ani Padilla, maaantala nang bahagya ang rollout ng pilot quarantine na ito hangga’t hindi pa naihahanda at naidi-disseminate ang mga panuntunan.
“Ang atin pong guidelines na inaantay ay hindi pa po handa at hindi pa po naipapamahagi sa lahat ng mga mag-implement,” pahayag ni Padilla.
Sa ngayon, patuloy pang nakikipag-ugnayan ang technical working team na naghahanda ng mga panuntunan na ito para mas maging mainam ang pilot implementation o pagpapatupad ng granular lockdown sa NCR.
Samantala, inihayag ng tagapagsalita ng NTF na ang gagawing pilot test na ito ay bahagi na rin ng pagkakaroon ng panibagong pagtingin sa maaaring mas mainam na pagtulong sa pagbaba ng kaso at pagprotekta sa mamamayan laban sa coronavirus.
Inihayag ng opisyal na sa kasalukuyan, hindi nagbabago ang mga dating pagbabawal na mga nakalatag sa umiiral na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
“Hindi po nagbabago yung mga pagbabawal na nakalatag din sa previous MECQ, so wala hong nagbago in-extend lang po ito hanggang sa kalagitnaan ng buwan,” dagdag ng NTF Spox.