NAMIGAY ng sako-sakong bigas sa lahat ng medical frontliners sa San Lazaro Hospital at sa ibang pagamutan ang actress-socialite na si Gretchen Barreto.
Labis ang tuwa at walang pagsidlan ang ligaya ng mga health worker ng San Lazaro Hospital dahil sa sako-sakong bigas na ibinigay ni Gretchen Barreto.
Kaya naman lubos na nagpapasalamat ang resident doctor ni Greta na si Dr. Cherry Abrenica na kalaunan ay naging kaibigan na niya.
Lingid sa kaalaman ng marami, matagal nang ginagawa ng former actress-socialite-philantrophist ang pagbibigay ng tulong sa mga frontliner.
Umabot sa 1,328 sacks ng special rice ang ipinamahagi ni Gretchen sa buong healthcare workers ng ospital.
Bukod sa San Lazaro Hospital namahagi rin siya sa mga empleyado ng St. Luke’s Global sa Taguig City kung saan na-confine noon ang kanyang ina na si Inday Barretto dahil sa COVID-19 at nagpapasalamat siya sa buong staff ng pagamutan sa pag-aalaga sa mahal na ina.
Naka-line up na rin ang iba pang mga ospital na padadalhan ni Gretchen ng bigas kabilang dito ang Philippine General Hospital, St. Luke’s Hospital-Quezon City, National Children’s Hospital at ang National Center for Mental Health sa Mandaluyong City.