Group Livelihood Program mas epektibo para sa mga OFW —OWWA

Group Livelihood Program mas epektibo para sa mga OFW —OWWA

GROUP Livelihood Program ang ipatutupad o ang ibibigay ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga overseas Filipino worker (OFW) na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 crisis.

Ayon kay OWWA Administrator Han Leo Cacdac, mas nakikita nila ang tagumpay ng mga OFW sa pamamagitan ng group livelihood program kaysa magsasarili ang mga ito ng negosyo.

Sa ngayon aniya ay aprubado na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Group Livelihood Program at nakahanda na itong i-grant sa mga OFW sa darating na Setyembre.

Una namang sinabi ni Senator Imee Marcos na hindi lahat ng OFW ay magaling sa pagnenegosyo.

Kaya ayon sa Senador ay kailangan talagang magabayan sila ng gobyerno.

Humirit naman si Senator Ronald Bato Dela Rosa na maibigay pa rin sa kada indibidwal ang credit assistance sa mga OFW lalo na yong nais magnegosyo ng instant delivery services tulad ng Lalamove.

Aniya, ang mga ganitong negosyo ang patok sa ngayon.

Para naman patuloy na magabayan ng OWWA ang bawat OFW sa pagpili ng negosyo ay nakikipagtulungan na rin ito sa Department of Trade and Industry (DTI).

Samantala, nasa 165,000 na na mga OFW ang napauwi ng OWWA simula noong Marso 15.

Lumabas naman sa report ng DOLE noong  Agosto 19 na nasa 394,044 OFWs na ang nawalan ng trabaho.

SMNI NEWS

 

Leave a Reply

Your email address will not be published.