Grupo ng magsasaka, masama ang loob sa pagbawas ng taripa sa imported rice—FFF

Grupo ng magsasaka, masama ang loob sa pagbawas ng taripa sa imported rice—FFF

MASAMA ang loob ng mga grupo ng mga magsasaka sa desisyon ng Marcos admin na tapyasan ang taripa sa imported rice.

Nakabalot na sa isang maliit na supot ang isang basong kanin na ibinibenta ni Nanay Kenny Rosie sa kaniyang karinderya.

Kailangan kasi na hindi sumobra ang takal ng kanin dahil sa sobrang mahal ng puhunan.

Imported rice mula Thailand ang kaniyang binibili na nasa P1,480 na ang isang sako o kaban.

Higit P130 ang itinaas nito na noon ay nabibili lang naman niya sa halagang P1,345.

“Kaya, hindi na kami nagbebenta ng kalahati … kasi nalulugi kami,” pahayag ni Nanay Kenny Rosie, may-ari ng karinderya.

“Ngayon na tumaas na ginawa na namin na dati ay P10, ngayon ay ginawa kong P15. Kasi sa sobrang mahal ng bigas,” aniya pa.

Mas mapapamahal pa aniya siya kung lokal na bigas ang kaniyang bibilhin dahil nasa higit P2,000 na ang presyo ng isang sako.

Ang problema ni Nanay Kenny Rosie sa mahal ng bigas ay tutugunan umano ng gobyerno.

Inaprubahan na kasi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang resolusyon ng mga economic manager na tapyasan ang taripang ipinapataw sa mga imported agricultural product tulad ng bigas.

Magiging 15 porsiyento na lamang ang taripa sa imported rice mula sa 35 porsiyento.

Ang taripa kasing nakukuha sa imported products ay gagamitin bilang dagdag na pondo para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).

Pero, dahil bawas na ang taripa sa imported rice tiyak na malaking pera ang mawawala sa gobyerno na nakalaan para sa mga magsasaka.

Maganda naman umano ang layunin ng gobyerno na tapyasan ang taripa sa imported rice.

“The NEDA Board approved the reduction of tariff sa rice. That would trigger reduction in the prices,” saad ni Usec. Claire Dennis Mapa, National Statistician.

“But there is expectation of course given na may reduction sa tariff, the retail price will go down,” dagdag ni Mapa.

Ang umano’y magandang hakbang ng administrasyong Marcos ay inalmahan ng grupo ng mga magsasaka.

Wala kasing nangyaring konsultasyon ang gobyerno sa pagitan ng mga nasa sektor.

“Nabigla kami at siyempre masama ang loob namin dahil bagamat pinag-uusapan itong taripa, ang pagkakaalala namin magkakaroon ng konsultasyon. In fact sa Thursday nga nagpa-schedule si Secretary Recto ng Department of Finance na makipag-usap sa amin,” wika ni Raul Montemayor, Manager, FFF.

“Kumbaga inunder ground nila ito na hindi namin alam at … sinasabi na namin sa kanila noon na malaki ang pinsala nito sa mga magsasaka,” dagdag ni Montemayor.

PCAFI: Inilulublob na ng Malacañang ang mga magsasaka dahil sa pagtapyas sa taripa sa imported bigas

Hindi sang-ayon ang Philippine Chamber of Agriculture and Food Incorporated (PCAFI) sa desisyong ito ni Marcos Jr.

Matagal na kasi itong ginawa pero hindi naman nagpababa ang presyo ng bigas sa merkado bagkus ay lalo pa itong nagmahal.

“Ang nakikinabang lang talaga diyan ay importer. Importer ang makikinabang… pagpasa sa middlemen hindi ‘yan susundin ng middlemen kasi wala nang kontrol ‘yung importer. Once they transfer the products to the wholesaler, distributors and retailers these middlemen will pocket whatever the difference,” ayon kay Danilo Fausto, President, PCAFI.

Mas mahihikayat aniya ang mga miller at trader na mag-import na lamang ng bigas imbes tumangkilik sa lokal.

Giit ng PCAFI, hindi na kailangang patayin pa ang mga nasa sektor.

“Hindi na kailangang magpakamatay ang farmer kasi inilulubog na nila ng Malacañang. Talagang ibinabaon na ang mga magsasaka. Sana sa darating na election next year ay malaglag na lahat ‘yan dito sa pagpapatakbo sa ating bansa,” ayon pa kay Fausto.

Punto pa ni Fausto, hindi na rin siya nagtaka na may mga imported na bigas na dumating sa bansa.

“Hindi ako nagtataka na bago pirmahan ‘yang executive order na ‘yan ay may mga bigas na nasa barko na nag-ikot-ikot sa ating karagatan. Hindi dumadaong at hinihintay muna ‘yung executive order tsaka nila idadaong,” ani Fausto.

Atty. Roque: Huwag hayaang magrebelde ang mga magsasaka dahil sa pagtapyas sa taripa ng imported na bigas

Sabi naman ni former Presidential Spokesperson Attorney Harry Roque na pasakit lamang ang ibinibigay ng administrasyon sa mga magsasaka.

Babala ni Roque, huwag hayaang magrebelde ang mga ito sa gobyerno.

“Huwag naman ninyong gamitin ‘yung kapalpakan ng gobyerno na magbigay ng suporta sa agrikultura para lalong pahirapan ang ating magsasaka… Tuluyan nang mabubura ang mga magsasaka, naku baka dumarami na ang mga sumasapi sa mga teroristang grupo gaya ng CPP-NPA,” diin ni Atty. Harry Roque, Former Presidential Spokesperson.

Presyo ng imported ng bigas sa palengke, posible umanong bumaba sa P6-P7 kada kilo sa Hulyo, Agosto—DA

Gayunpaman, welcome development para sa Department of Agriculture ang naging desisyon ni Marcos Jr.

Kumpiyansa kasi ang ahensiya na sa pamamagitan nito ay mapapababa ang presyo ng bigas sa merkado na bawas pasanin sa mga konsyumer.

“’Yung potential price reduction between 6 to 7 pesos of kilo of rice,” ayon kay Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.

“’Yung imported rice…’yung galing Vietnam 2 to 3 weeks ‘yan bago makarating sa atin … In a months-time we can expect kung ngayon magsisimula July, so mga August ‘yan. We can expect na mayroon ng pagbaba or within July mismo,” ayon pa kay De Mesa.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter