Grupo ng mga recruitment agency, nagpasaklolo sa korte

Grupo ng mga recruitment agency, nagpasaklolo sa korte

NAGPASAKLOLO ngayong araw ang grupo ng mga recruitment agency sa korte para maliwanagan sa kinukwestyon na whitelist na nirerequire ng Department of Migrant Workers (DMW).

Isang petisyon ang inihain ng grupo sa Mandaluyong Regional Trial Court.

Para kasi sa grupo, walang basehan sa umiiral na batas ang binubuong whitelist ng DMW.

Matatandaang bumuo ang DMW ng whitelist at blacklist ng mga recruitment agencies kasabay ng muling pagbubukas ng deployment sa Kingdom of Saudi Arabia noong Nobyembre 7, 2022.

Ayon sa DMW papayagan lamang na mag-recruit ng mga overseas Filipino workers ang mga whitelisted agencies.

Binuo ito ng DMW upang masiguro na ang mga OFWs na mag-a-apply sa ibang bansa ay hindi nabibilang sa blacklist at sa halip ay mapabilang sa whitelist.

Pero ayon kay Atty. David Castillon, tila dadaan sa butas ng karayom ang isang recruitment agency para mapabilang sa whitelist.

Inihayag din ni Atty. Castillon na hindi pa nakapag deploy ng mga OFW patungong Saudi Arabia dahil kailangan kumpletuhin ang nirerequire na whitelist.

Ayon naman kay DMW Secretary Susan Ople sa SMNI, hindi pa sila makapagbigay ng komento dahil wala pa silang kopya sa inihaing petisyon.

Follow SMNI NEWS in Twitter