Grupong BAN Toxics, nagbabala sa mga whitening cream na ibinibenta online

Grupong BAN Toxics, nagbabala sa mga whitening cream na ibinibenta online

MARAMI pa rin talaga ang humaling na humaling sa whitening products.

Sa katunayan, hindi lang mga babae ha – dahil pati mga kalalakihan – “suki” na rin ng mga produktong ito sa paniniwalang mas nakadaragdag o nakapagpapa-enhance ito ng kanilang “appeal” o “dating” bilang mga indibidwal.

At dahil nga mataas ang demand – ay heto’t nagkalat ang iba’t ibang whitening products na kaniya-kaniyang hikayat sa mga mamimili na sila ang bilhin.

Bilang mga Pilipino – hindi tayo natural na mapuputi.

Kaya naman ang whitening creams – bentang-benta sa mga parokyano.

Pero, ingat-ingat, dahil hindi lahat ng nakikita nating produkto, safe gamitin o ipahid sa balat.

Patunay diyan ang babala ngayon ng toxic watchdog na BAN Toxics matapos ma-detect ang mataas na mercury content sa pitong klase ng whitening creams na available ngayon sa mga online shopping sites na Shopee at Lazada.

Ayon sa grupo, apat sa mga ito ang ipinagbawal na ng Food and Drug Administration (FDA) pero nakakalusot pa rin at malayang naibebenta sa merkado.

 

Pitong China-made whitening creams na may mataas na mercury content: 

JiaoLi HuiChuSu Face Cream 7 Day Specific Eliminating Freckle (ipinagbawal na ng FDA)

JiaoLi HuiChuSu Miraculous Cream (ipinagbawal na ng FDA)

Szitang 7-days Specific Whitening & Spot A-B Set Cream (ipinagbawal na ng FDA)

Szitang 10-day Whitening and Spot Day & Night Set (ipinagbawal na ng FDA)

BL Vterly Day and Night Retinol & Collagen Cream

PEARL NATURAL Whitening & Anti-Aging Cream

Day and Night Whitening Anti Freckle Melasma (Green)

 

Gamit ang Vanta C Series Handheld XRF Chemical Analyzer, natuklasan na ang mga cream sa pagpapaputi ng balat, ay naglalaman ng mataas na mercury content na mula 115 hanggang 5,150 parts per million (ppm).

Ang mga cream ay naibebenta umano mula P80 hanggang P264.

Base sa Fact Sheet ng World Health Organization, ang mercury ay isa sa mga nangungunang kemikal na nagdudulot ng pangunahing problema sa kalusugan ng publiko.

Maari nitong malason ang nervous, digestive, at immune systems, pati na rin ang baga, bato, balat, at mata.

Ang exposure sa mercury ay posibleng magdulot ng masamang epekto sa kalusugan ng isang sanggol na nasa sinapupunan ng ina.

Dismayado raw ang grupo kung bakit talamak pa rin ang mga pampaputi na may nakakalasong kemikal sa kabila ng regulasyon ng gobyerno.

“We are dismayed that skin lightening creams tainted with mercury continue to prevail in online markets despite regulations on the use of mercury in personal care products,” saad ni Thony Dizon, Toxics Campaigner, BAN Toxics.

Nanawagan ito sa mga regulatory agencies gaya ng FDA at ang Department of Trade and Industry (DTI) na imbestigahan at agad na magsagawa ng aksiyon laban sa mga online shopping platforms na lumalabag sa umiiral na mga regulasyon sa kalusugan at kaligtasan at mga batas ng e-commerce sa bansa.

“We call on the regulatory agencies—the FDA and the Department of Trade and Industry—to investigate and immediately conduct enforcement actions against online shopping platforms that violate existing health and safety regulations and e-commerce laws in the country,” ani Dizon.

Samantala, hanggang ngayon ay wala pang sagot ang FDA sa panawagan ng BAN Toxics.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble