GSIS, nakahandang tumulong sa pagsasaayos ng nasunog na MCPO building

GSIS, nakahandang tumulong sa pagsasaayos ng nasunog na MCPO building

INIHAYAG ng state pension fund na Government Service Insurance System (GSIS) na nakahanda itong tumulong sa pagpapanumbalik sa orihinal na karangyaan ng Manila Central Post Office (MCPO) building sa Maynila na nasunog noong Sabado.

Ayon kay GSIS President and General Manager Wick Veloso, ang nasirang gusali ng Philippine Postal Office (PhilPost) at ang mga laman nito ay insured sa GSIS sa halagang P604-M.

Para mapadali ang insurance claims, ani Veloso, agad nilang ipinadala ang kanilang mga adjuster sa fire scene kahit na wala pa noong idineklara na fire-out.

Nag-deploy rin ang GSIS ng mga drone para ganap na suriin ang mga apektadong istruktura.

Saad pa ni Veloso, batid ng korporasyon ang kahalagahan ng kasaysayan ng MCPO building at nais nitong tumulong sa mga pagsisikap sa muling pagtatayo nito sa lahat ng posibleng paraan.

Idinagdag ng hepe ng pension fund na iaalok ng GSIS ang bodega nito sa Pasig, upang magsilbing pansamantalang workplace ng PhilPost.

Handa aniya ang GSIS na mag-extend ng loan sa PhilPost para sa reconstruction ng gusali.

Idineklara ng National Museum of the Philippines bilang important cultural property ang gusali at ang pagkawala nito ayon sa GSIS president ay magkakaroon ng malaking epekto sa mayamang pamana ng kultura ng bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter