PATULOY pang pinag-aaralan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga alituntunin para sa bagong coding scheme ng ahensya.
Ipinaalam ni MMDA Chairman Atty. Romando Artes na sinasapinal pa nila ang guidelines para sa gagamiting bagong coding scheme ngayong Mayo.
Kasabay nito, nananatiling pinapatupad ng MMDA ang Modified Unified Vehicular Volume Reduction Program o number coding scheme mula alas 5 ng hapon hanggang alas 8 ng gabi.
Ito ay nagsisimula ng Lunes hanggang Biyernes, maliban tuwing holidays.
Sa ilalim nito, bawal ang mga sasakyan sa pagbiyahe sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila batay sa huling digit ng plate number na ibinigay na iskedyul.
Sinabi pa ng MMDA, ang mga plakang nagtatapos sa 1 at 2 ay sakop ng coding tuwing Lunes.
Ang 3 at 4 naman ay tuwing Martes, 5 at 6 tuwing Miyerkules, 7 at 8 tuwing Huwebes at 9 at 0 tuwing Biyernes.
Exempted sa coding ang mga pampublikong sasakyan tulad ng transport network vehicles services, motorsiklo, trak ng basura, trak ng petrolyo at sasakyang may dalang mga perishable o essential goods.
Matatandaang, sinabi ni Artes na malaking tulong ang coding scheme dahil mababawasan ng 40% ang traffic sa Kalakhang Maynila.
Inaasahang sa Mayo 1 o Mayo 16 ay maglalabas ang MMDA ng pinal na desisyon patungkol sa guidelines ng bagong coding scheme.