Guidelines sa pamamahagi ng AKAP, kinuwestiyon sa Senado

Guidelines sa pamamahagi ng AKAP, kinuwestiyon sa Senado

TAONG 2024 ay nasa halos 5M Pilipino ang nakabenepisyo sa Ayuda para sa Kapos Ang Kita Program (AKAP).

Ngunit nang tinanong sa pagdinig sa Senado ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung sino-sino ang mga nakatanggap ay walang naibigay na listahan ang ahensiya.

Inamin ni DSWD Undersecretary Fatima Dimaporo na wala silang hawak na listahan at ang mga benepisyaryo ng ayuda ay batay lamang sa “assumptions”.

Ayon pa sa DSWD, ang mga nakakabenepisyo sa AKAP na tumatanggap ng P10,000 na ayuda ay yaong mga kumikita ng mas mababa sa minimum wage.

Pero hindi kampante si Sen. Imee Marcos sa kung sino ang nagrerekomenda o pumipili ng benepisyaryo dahil wala naming ibinigay na listahan.

Dahil dito inamin ni DSWD Usec. Adonis Sulit na kahit sinumang politiko ay maaaring magsumite ng benepisyaryo.

“No list from your possession whether with DOLE or NEDA walang listahan. Sino si anyone?” tanong ni Sen. Imee.

Tumbok ng senadora ay kung bakit hanggang sa ngayon ay wala pa ring karagdagang guidelines ang AKAP na may conditional implementation matapos i-veto ng pangulo sa 2025 budget.

Kaugnay rito ay nakatengga pa rin ang hiling ng DSWD sa COMELEC na bigyan ng exemption ang AKAP sa election ban.

Ayon kay COMELEC Chairman Atty. George Garcia, nasa P12B ang hinihinging exemption ng DSWD para sa election ban.

“But on January 16, 2025 another letter was received by yours truly … containing a request for exemption of AKAP. The amount this time is 12,633,600,000. As of this time I have not acted of such request simply because I am waiting for the guidelines as committed,” ayon pa kay Atty. George Garcia, Chairperson, COMELEC.

Dahil sa kawalan ng guidelines at laki ng pondo para sa exemption ng AKAP sa election ban ay ikinababahala ni dating Associate Justice Antonio Carpio na ito ay maaabuso ng mga politiko, lalo na ng mga kongresista.

Suhestiyon ni Carpio na gawin itong transparent, kung saan dapat nakalathala sa website ang pangalan ng benepisyaryo, magkano ang tinanggap, at sino ang nagrekomenda.

Iginiit ni Carpio na bagama’t ‘di bawal na magrekomenda ang mga mambabatas pero kung mayorya ng mga rekomendasyon ay galing sa mga kongresista ay kuwestiyonable na ito.

“And if they do not follow the recommendations entirely… lets say 20-25 percent of the congressman only. I think that is fair enough that you are taking into consideration the recommendation of everybody pero kung majority are of the recommendation of the congressman may problema tayo,” pahayag ni Retired Supreme Court Justice, Antonio Carpio.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble