Guimaras, tatanggap na ng fully vaccinated na mga turista

Guimaras, tatanggap na ng fully vaccinated na mga turista

BUKAS na para sa mga fully vaccinated na turista ang probinsiya ng Guimaras maging residente man o hindi sa lugar.

Inilabas ni Governor Samuel Gumarin ang Executive Order (EO) No. 49 na nagpapahintulot sa mga biyahe na may kaugnayan sa turismo para sa mga fully vaccinated na mga indibidwal.

Sa ilalim ng EO, kinukonsidera lamang ang isang indibidwal na fully vaccinated laban sa COVID-19 kapag:

  • Dalawang linggo o mahigit nang nabakunahan ng ikalawang dose ng COVID-19 vaccine
  • Dalawang linggo o mahigit nang nabakunahan ng single-dose vaccine

Maaari lamang ipakita ng isang fully vaccinated na indibidwal ang kanyang vaccination card o vaccination certificate na inisyu ng gobyerno sa provincial government screening team na nakatalaga sa Iloilo City.

Kailangan din na ipakita ng indibidwal ang kanyang vaccination card sa mga resort at commercial tourist destination bago ito makapasok sa kanilang lugar.

Narito naman ang mga aktibidad na pinapayagan at hindi pinapayagan ng provincial government ayon sa Guidelines on the Implementation of Alert Level System for COVID-19 for Pilot Areas ng Inter-Agency Task Force (IATF).

  • Casinos, horse racing, cockfighting, cockpits, lottery at iba pang gaming establishments ay hindi pinapayagan na mag-operate maliban na lamang kung bibigyan ng pahintulot  ng IATF o ng Office of the President.
  • Pinapayagan ang contact sports kagaya ng basketball atbp. Mga indoor venues ay pinapayagan sa 50% capacity at ang mga indibidwal ay fully vaccinated.
  • Mga menor de edad na papasok o nasa loob ng probinsiya ay sasailalim sa umiiral na IATF guidelines.

Inatasan din ni Gumarin ang pulisya at iba pang mga ahensiya na ipatupad ang mga probisyon ng Provincial Ordinance No. 2020-04 (an ordinance prescribing measures and policies against emerging and re-emerging infectious diseases in the province).

“Ang probinsiya sang [ng] Guimaras, like any other provinces, nagapahibalo [nagpapahayag] nga [that] we are about to open our tourism…provided that all visitors nga makadto may iga-presentar nga [na bibisita ay may maipresentang] vaccination card,” ayon kay Gumarin.

SMNI NEWS