Gumuhong tulay sa Isabela: Kapabayaan, korapsiyon, o engineering failure?—Sen. Revilla, galit!

Gumuhong tulay sa Isabela: Kapabayaan, korapsiyon, o engineering failure?—Sen. Revilla, galit!

ILANG araw matapos buksan, bumagsak ang bagong Cabagan-Santa Maria Bridge sa Isabela, dahilan upang manawagan si Sen. Bong Revilla ng pananagutan.

Matapos ang mahigit isang dekadang paghihintay, bigo ang mamamayan ng Isabela na makinabang sa bagong tayong Cabagan-Santa Maria Bridge matapos itong bumagsak ilang araw lamang matapos buksan sa publiko.

Dahil sa nangyaring insidente, galit at pagkadismaya ang ipinahayag ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., na iginiit na may dapat managot sa matinding kapalpakan.

“HEADS MUST ROLL. Hindi pwedeng isang masaklap na pangyayari na lang ito, na isang kwentong nag-viral. Dapat may managot. AND LET THE AXE FALL WHERE IT MUST,” mariing pahayag ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

Bilang chairman ng Senate Committee on Public Works, binigyang-diin ng senador na hindi dapat palampasin ang ganitong klase ng kapabayaan, lalo na’t bilyun-bilyong piso ng pera ng bayan ang ginamit sa proyekto.

“Saan ka nakakita ng bagong bukas na tulay na guguho agad? Nakakahiya! Dapat nating alamin kung korapsiyon, kapabayaan, o engineering failure ang dahilan ng trahedyang ito,” dagdag niya.

Korapsiyon o kapabayaan?

Isa sa mga pangunahing katanungan ni Revilla ay kung nasunod nga ba ang tamang proseso sa konstruksiyon ng tulay.

“Did we stick by the rules and global standards, or did we compromise structural integrity and public safety in the guise of cost-cutting? Kung may natipid, saan ito napunta?” aniya.

Iniimbestigahan din kung may sabwatan sa pagitan ng contractor at ilang opisyal ng gobyerno upang makalusot ang isang proyektong hindi pasado sa kalidad.

“May mga pagkakataon na nasasabi natin na we must not point fingers. Pero sa ganitong pangyayari… hindi pwedeng walang nagkasala; at lalong hindi pwedeng walang mapapanagot,” giit ng senador.

Engineering failure? Bakit may retrofitting bago binuksan?

Sa ulat na lumabas, dumaan sa retrofitting ang tulay bago pa man ito buksan sa publiko. Ngunit hindi malinaw kung ito ay bahagi ng safety enhancements o isang remedyo dahil may kahinaan na agad ang istruktura bago pa ito gamitin.

“Totoo bang para lang ito sa earthquake safety at additional features? O nakita na ba agad na may mali sa pagkakagawa? At nang binuksan ito sa publiko, handa ba talaga ito?” tanong ni Revilla.

Kinuwestiyon din ng senador kung bakit, sa kabila ng dami ng magagaling na inhinyero sa bansa, patuloy na napupunta ang malalaking proyekto sa mga kompanyang may record ng kapalpakan.

“Bakit nabibigyan pa ng proyekto ‘yung mga may history ng sablay na trabaho? Kulang ba ang ating kakayanan upang maiwasan ang mga ganitong insidente?” dagdag niya.

Delay ng proyekto, sayang na pondo ng bayan

Matagal nang inaasam ng mga residente ang tulay na ito bilang sagot sa kanilang transportasyon at kaligtasan, ngunit matapos ang mahigit isang dekada, nauwi lamang ito sa isang mapait na trahedya.

“Higit isang dekada na itong proyekto, pero bumagsak lang agad? Minadali ba ito para lang may maipakitang resulta? At kung minadali, sino ang may kagagawan?”

“Hindi pwede ang hugas-kamay!”

Nagbabala si Revilla sa lahat ng sangkot sa proyekto na hindi sila makakalusot sa pananagutan.

“Hindi uubra ang hugas-kamay at pekeng palusot. Hahabulin ng pangil ng batas ang may sala kahit sino pa man sila,” aniya.

Bilang hakbang upang maiwasan ang ganitong trahedya sa hinaharap, iginiit ng senador ang pangangailangang magkaroon ng mas mahigpit na monitoring at auditing sa mga proyektong pinopondohan ng gobyerno.

“Tama na ang ‘lessons learned.’ Let this be the last. We owe no less to our people,” mariing pahayag niya.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon upang matukoy ang tunay na dahilan ng pagguho ng tulay at mapanagot ang mga responsable.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble