SA papalapit na eleksiyon—kasabay ring tumitindi ang pangangailangan para sa mas mahigpit na pagbabantay at mas matatag na koordinasyon upang mapanatili ang kaayusan, seguridad, at integridad ng buong proseso ng pagboto.
Sa kabila ng mga pagsisikap ng mga ahensiya ng pamahalaan, nananatiling hamon ang mga posibleng banta gaya ng karahasang may kaugnayan sa politika, vote bu ying, disinformation, at iba pang taktika na maaaring makaapekto sa kalayaan at kredibilidad ng eleksiyon.
Batay kasi sa mga karanasan mula sa mga nagdaang halalan, may mga pagkakataon na nahirapan ang AFP at PNP sa pagtiyak ng ganap na seguridad, lalo na sa mga lugar na may mataas na tensiyon at banta ng karahasan.
Ilan sa mga kahinaan na napansin ay ang kakulangan sa sapat na bilang ng mga tauhan at kagamitan upang masakop ang mga election hotspots, pati na rin ang mga logistical na hamon sa paghahatid ng mga suporta at pangangailangan sa mga liblib na lugar.
Isang inter-agency command conference na ginanap sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Commission on Elections (COMELEC), Philippine National Police (PNP), at Philippine Coast Guard (PCG) para sa paghahanda sa darating na 2025 elections.
Dito inisa-isa ang detalyadong security assessment ng mga lugar na tinuturing na election hotspots, plano ng deployment ng mga tauhan sa mga lalawigan, at mga contingency measures para agad na makaresponde sa mga posibleng election-related incidents.
Binigyang-diin ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. ang kahalagahan ng pagtalima sa batas at ang tungkuling tiyaking ligtas ang pagboto ng bawat mamamayan
“The AFP stands firm in its mandate and supports a whole-of-government approach to ensure a secure, honest, and credible 2025 election,” wika ni Gen. Romeo Brawner Jr., Chief of Staff, AFP.
Samantala, batay naman sa pinakahuling datos ng Philippine National Police, umabot na sa mahigit 2,000 ang bilang ng mga indibidwal na naitalang lumabag sa ipinatutupad na election gun ban mula Enero hanggang Abril 1, 2025.
Ang naturang bilang ay patunay na nananatiling hamon ang pagpapatupad ng mga panuntunan para sa isang mapayapang halalan.
Kaya’t sa isinagawang inter-agency command conference, binigyang-tuon ang pangangailangang tiyakin na ang bawat Pilipino ay makakaboto nang malaya, ligtas, at walang pangamba.
Sa harap ng mga banta ng karahasan at iba pang election-related offenses, muling iginiit ang kahalagahan ng koordinadong aksyon at pagtutulungan ng lahat ng sangay ng pamahalaan upang mapanatili ang integridad ng halalan ngayong 2025.