Habal-habal operator, hinikayat na magparehistro kapag legal na ang motorcycle taxi—LTFRB

Habal-habal operator, hinikayat na magparehistro kapag legal na ang motorcycle taxi—LTFRB

HINIMOK ngayon ng Motorcycle Taxi Technical Working Group (TWG) ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga “habal-habal” operator na magrehistro sandaling maging ganap na batas ang panukalang gawing legal ang motorcycle taxi sa Pilipinas.

Ito ay mas mababantayan at maaaring makatanggap ng mga benepisyo mula sa programa ang mga kalahok nito.

Ang plano na ito ng TWG ay alinsunod sa panukala ni Senator Raffy Tulfo sa gitna ng pagdinig ng Senate Committee on Public Services.

Sinabi naman ni MC-TWG chairperson Atty. Teofilo Guadiz III na pag-aaralan kung kinakailangan pang palawigin ang lugar na sakop ng pilot study ng MC Taxi.

Inaalam na rin ng TWG kung posibleng magdagdag ng kalahok na kompanya sa pilot study gayundin ang bilang ng mga rider na nakalaan para sa 3 transport network companies (TNCs) na kasama sa pag-aaral.

Kabilang sa mga TNC na lumahok sa pilot study ay ang Angkas, Joyride, at Move It.

Matatandaang, 2019, inatasan ng Kongreso ang Department of Transportation (DOTr) na magsagawa ng MC Taxi Pilot Study upang malaman kung ligtas at maaari itong gawing legal na pampublikong transportasyon sa Pilipinas.

Ang nasabing pag-aaral ay una nang isinagawa sa Metro Manila at Metro Cebu.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter