IGINIIT ng isang mataas na opisyal ng Kamara de Representantes na prank incident lamang ang nangyaring hacking sa kanilang website.
Hindi na ma-access at may mga katagang ‘You’ve Been Hacked’ ang sinapit ng website ng Philippine House of Representatives.
Nagpakilala ang hacker na responsable sa pagpasok sa website ng Kamara bilang 3 Musketeerz.
Oktubre 15, araw ng Linggo nang mangyari ang hacking sa website.
Hindi lamang ang Kamara ang ahensiya ng gobyerno na napasok ng hackers.
Katunayan, naunang na-hack ang PhilHealth, Philippine Statistics Authority (PSA) at Science and Technology Department.
Sa panayam ng SMNI, nilinaw ni House Secretary Reggie Velasco na prank ang hacking sa kanilang website.
“Usually pagka-tunay pong hacking, merong… may ransomware na tinatawag at humihingi ng pera ng pabuhay po para… (inaudible) kami po wala namang natanggap po na ganun,” ayon kay Reggie Velasco, House Secretary General.
Nilinaw rin ni Velasco na walang mahahalagang impormasyon sa website ng Kamara.
Dahil ang laman nito ay mga kopya lamang ng House Bill at schedule ng hearing.
“Wala po eh, kasi nga parang ano lang to eh. Anong tawag doon, nanloloko lang. Prank lang tong ginawa sa amin no. Mabuti naman ganoon lang ang ginawa sa aming website. Pero ‘yun nga, iniimbestigahan pa po namin kung sino ang gumawa. Katulong po natin ang DICT at NBI,” dagdag ni Velasco.
Para hindi na maulit pa, bibili ng karagdagang gamit ang Kamara kontra hacking.
“Sa ngayon po, based on assessment ng IT team namin, medyo nga po makakulangan doon sa cybersecurity equipment and personnel naming. So we are doing to address that,” ani Velasco.
Gagawa naman ng paraan ang Kamara para maibalik agad ang serbisyo ng kanilang website.