UMABOT na sa mahigit P192,000 na halaga ng mga ilegal na paputok ang nakumpiska ng kapulisan ilang araw bago ang pagsalubong ng taong 2024.
Kaya naman tuluy-tuloy ang ginagawang pagbabantay ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga nagbebenta ng ilegal na paputok.
Sa panayam ng media araw ng Miyerkules kay PNP PIO Chief PLtCol. Jean Fajardo sinabi nito na as of 6:00 am Disyembre 27, 2023.
“Doon naman po sa mga nakumpiska nating prohibited firecrackers ay nasa mahigit 35-K na po with an estimated value of 192-K mahigit po,” ayon kay PLtCol. Jean Fajardo, Chief PIO, PNP.
Sa nasabing bilang nakapagtala ang PNP ng 12 insidente o nasugatan dahil sa paggamit ng mga ilegal na paputok.
Dahil dito kabi-kabila na ang ginawang operasyon ng PNP laban sa nagbebenta ng ilegal na paputok.
Ayon sa tagapagsalita ng Pambansang Pulisya kabilang sa kanilang binabantayan ay ang mga nagbebenta online.
“Meron na rin po tayong nahuli na mga kaso ng pagbebenta ng mga ilegal na paputok via online, dalawa na po ang mga naitala natin diyaan at dalawa rin po ang naaresto, mga more or less nasa 26,000 na po worth of illegal prohibited firecrackers ang ating nakumpiska doon po sa mga na-monitor natin na nagbebenta po ng prohibited firecrackers via online,” dagdag ni Fajardo.
Kaugnay rito, sinabi ng opisyal na kahit mga nag deliver lang ay walang lusot sa batas.
“Ang violation po kasi ng Republic Act are considered prohibit cases po so regardless of your intent po once you are caught in possession of a contraband you will be liaable po, so we should exercise ‘yung due diligence po in transacting po doon sa mga company even sa sibilyan,” ani Fajardo.
Kaya payo ng opisyal sa publiko na huwag nang tangkilikin ang mga ipinagbabawal na paputok upang maging ligtas ang pagsalubong sa Bagong Taon.
“So magtutuluy-tuloy po itong ating cyber patrolling dahil marami po ang namonitor natin na marami ang nagbebenta online via online kaya gusto ko kuhain ang pagkakataon na ito sa ating mga kababayan na huwag po tayong magpatronized doon po sa mga nagbebenta po online, specially kung hindi po kayo sigurado kung saan po ang origin ng mga paputok na ito dahil maaring po itong magresulta sa kapahamakan hindi lamang sa inyo kundi maging sa ibang tao,” aniya.
Kabilang sa mga ipinagbabawal na paputok ay ang watusi, picollo, five star, pla-pla, giant bawang, super lolo, atomic bomb, goodbye Philippines at marami pang iba.
Samantala, paliwanag naman ni PLtCol. Jay Guillermo ng Cyber Response Unit ng PNP na ang mga ipinagbabawal na paputok ay hindi lisensiyado kaya mas mainam na aniyang huwag itong tangkilikin.
“Alam naman natin na internet ay talagang ginagamit na ng taong bayan mapa sa magandang gawain at sa ilegal na gawain. So ang PNP-Anti Cybercrime Group ayon sa utos ng ating Chief PNP ay nag-operate tayo ng mga nagbebenta ng mga paputok sa online, bakit ba siya naging ilegal? Ang pagbenta ng paputok ‘yun ang laging tanong kasi ito ay walang mga lisensiya,” ayon kay PLtCol. Jay Guillermo, Chief Cyber Response Unit, PNP-ACG.