ISA sa matinding sinalanta ng Bagyong Kristine ang CALABARZON kung saan lubos na napinsala ang iba’t ibang sektor sa rehiyon.
Ayon kay Director Carlos Alvarez III ng Office of the Civil Defense Region IV-A, pumalo na sa mahigit one billion pesos (₱1,030,427,971.81) ang halaga ng pinsala sa sektor ng imprastraktura sa 24 na local government units (LGUs) base sa kanilang Regional Disaster Management Council situational report.
Umabot naman sa lagpas four hundred thirty million pesos (₱430,150,229) ang pinsala sa agrikultura sa naturang rehiyon, batay sa ulat ng National Irrigation Administration (NIA) at Department of Agriculture (DA).
Dagdag pa ni Alvarez, nasa mahigit one hundred twenty-three million pesos (P123,800,000) naman ang naging pinsala sa irigasyon sa Region IV-A.
“We also have damage to school’s infrastructures amounting to twelve million two hundred forty-nine totally damaged, and two hundred sixty-two totally damaged in the province of Cavite, Batangas, Laguna and Quezon po,” saad ni Dir. Carlos Alvarez III, OCD Region IV-A.
Base naman sa report ng Disaster Response Operations Monitoring and Information Communication (DROMIC) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) IV-A, nasa kabuuang two hundred eighty-seven thousand (287,000) na mga pamilya o 1.2 milyong indibidwal ang naapektuhan ng bagyo. Naitala ito sa mahigit dalawang libong (2,284) mga barangay sa rehiyon.
Samantala, inihayag ni Alvarez na hindi pa nito masabi kung gaano pa katagal bago makakabangon muli ang CALABARZON Region mula sa Bagyong Kristine.
“To be honest, sa kasalukuyan ay ongoing pa rin ang response operations natin sa mga LGUs na talagang affected. Posible pong magkaroon tayo ng post … we will have a post-disaster needs assessment para naman po makita natin ang extent ng damage po sa ating region,” dagdag ni Alvarez.
As of 8 AM nitong Nobyembre 5, umakyat sa 151 ang kabuuang bilang ng mga naiulat na namatay dahil sa pinagsamang epekto ng Kristine at Bagyong Leon, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
134 naman ang nasugatan at 21 pa rin ang nawawala.