Halaga ng piso vs. dolyar, posibleng lumakas sa Disyembre—Recto

Halaga ng piso vs. dolyar, posibleng lumakas sa Disyembre—Recto

INAASAHAN ng Department of Finance (DOF) ang karagdagang paglakas ng halaga ng piso laban sa US dollar lalo na pagsapit ng Disyembre.

Ito ayon kay Finance Secretary Ralph Recto sa press briefing sa Malacañang kasabay na rin ng posibleng pagtaas ng remittance inflows ngayong holiday season.

“More or less 55 to a dollar, hard to tell but I think it will be a bit stronger than where we are today,” saad ni Sec. Ralph Recto, DOF.

Ipinaliwanag ni Recto na karaniwang lumalakas ang local currency laban sa dolyar sa pagtatapos ng taon habang mas maraming Overseas Filipino Workers ang nagpapadala ng pera sa Kapaskuhan.

Binigyang-diin ng kalihim na ang pang-seasonal na pagtaas ng halaga ng piso, kahit na hindi paborable para sa exporters ay magkakaroon naman ng positibong epekto sa halaga ng mga imported na produkto.

“Nakakatulong iyong paglakas ng piso sa inflation din, okay. So right now, nasa 55.80, if I’m not mistaken; seasonal din iyan, lumalakas ang piso kapag Pasko. So palagay ko, lower 55, iyan ang mangyayari so makakatipid tayo sa mga importation natin,” ani Recto.

DOF at BOC, mag-uusap para matiyak na makakarating sa pamilyang padadalhan ang balikbayan boxes kasabay ng holiday season

Sa kabilang banda, tiniyak ng DOF na matatanggap ng pamilyang Pilipino ang mga balikbayan box na ipinapadala ng kanilang mga kaanak mula sa abroad lalo na sa nalalapit na Kapaskuhan.

Sinabi ni Recto na maaaring pag-usapan ng kaniyang ahensiya kasama ang Bureau of Customs (BOC) ang patungkol sa balikbayan boxes upang masiguro na ‘on time’ na makararating ito sa pamilyang padadalhan.

Sa ngayon, wala naman aniya silang nakikitang umuusbong na problema pagdating sa balikbayan boxes.

“Siguro puwede naming pag-usapan ng BOC Commissioner. Pero from what I know, we don’t have a problem right now as far as iyong mga balikbayan boxes are concerned. So iyan naman, logistics issue iyan. Basta dumating sa port, trade facilitation tayo dito, and for sure, we will get all those cargos out.”

“Yes, definitely. Kailangan maligaya ang Pasko nating lahat,” aniya.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble