HALOS umabot na sa 100, 000 ang child laborers na nasagip ng Duterte administration mula 2018 hanggang Marso 2022 ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Malaki na ang nagawa ng DOLE para malabanan ang child labor sa bansa.
Ito ang inilahad ni outgoing Labor Secretary Silvestre Bebot Bello sa isang aktibidad sa pagdiriwang ng World Against Child Labor ngayong araw sa Quezon City.
Ayon sa kalihim, halos isang daang libong bata ang hindi lamang ang kanilang sinagip mula sa child labor, kundi napagkalooban din ng kabuhayan kasama ang kanilang pamilya sa ilalim ng TUPAD Program ng ahensiya.
Malinaw ang paninindigan ng gobyerno na iligal ang child labor.
Sa datos na pinalabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Disyembre 2021, ang mga batang nasa 5 taon pa lamang ay nagiging biktima na ng child labor.
Sa datos, nasa 23 porsiyento ang mga child laborers na may edad na 5-14 habang 72.8 porsiyento ang nasa edad na 15-17.
Mapapansin aniya na ang child labor ay malalala sa mga lugar o rehiyon na may mataas na poverty insidence tulad ng Northern Mindanao, Bicol Region, BARMM, Central Visayas at CALABARZON.
Mababa naman ito pagdating sa National Capital Region at Davao Region.
Karamihan sa mga child laborers ay makikita sa sakahan o larangan ng agrikultura, fisheries, mining at quarrying.
Meron ding mga bata na ginagamit para sa sex trafficking at pornography at ito raw ang kailangang i-rescue ng pamahalaan.
Ayon sa DOLE, ang mga bata ay hindi dapat hayaang makapagtrabaho lalo na sa mga panganib na trabaho at nakasisira sa mga ito.
Mula 1993–Marso 2022, 3, 639 child laborers ang nasagip aniya ng DOLE mula sa hazardous at exploitatative working conditions.
Sa ngayon aniya mahalaga na maibigay sa mga bata ang social protection na kailangan ng mga ito.
Ayon sa DOLE, pagkatapos ng profiling sa mga child laborers ay magkakaroon ng need assessment para sa mga ito para malaman kung ano ang kailangan ng bata o ng pamilya nito.
Pagkatapos maibigay sa kanila ang kanilang kailangan tulad ng kabuhayan at saka sila imomonitor para tiyakin na hindi na babalik sa child labor ang isang bata.
Ang iba ay kailangang idaan aniya sa counseling.
Aminado rin ang Quezon City Local Government na maging sa kanilang lungsod ay nangyayari ang child labor.