SA kabila ng sama ng panahong nararanasan sa ilang bahagi ng Mindanao ay inihayag ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na normal pa rin ang operasyon ng Davao International Airport, araw ng Biyernes.
Tatlong flights na biyaheng Davao ang naaapektuhan ng masamang panahon dala ng shear line dahilan upang sila ay ma-divert sa Mactan Cebu International Airport, araw ng Huwebes.
Sa panayam ng SMNI News kay CAAP Spokesperson Eric Apolonio, sinabi niyang ang kaligtasan ng mga pasahero ang pangunahing dahilan kung bakit hindi maaaring lumapag ang tatlong eroplano sa runway ng paliparan sa Davao kaya’t na-divert na lamang ito sa Cebu.
Ayon sa CAAP, kabilang sa mga naaapektuhang flights ay ang CebGo Flight DG6676 mula Zamboanga, Flight DG6739 mula Cagayan at ang PAL Express Flight 2P2817 mula Manila.
Paglilinaw rin ni Apolonio na ang mga pasahero ng mga eroplano na na-divert sa MCIA ay ligtas pa rin nakabalik sa Davao International Airport na inabot ng halos hatinggabi at ang iba sa kanila ay Biyernes ng madaling araw lumapag.
Ang Davao International Airport ay may 30 domestic flight at 6 international flights araw-araw.
Sa ngayon, ayon sa tagapagsalita ng CAAP normal na ang operasyon at wala nang masamang panahon sa Davao International Airport.
Gayunpaman, mahalaga pa rin aniya na makipag-ugnayan muna ang mga pasahero patungong Davao bago ito pumunta ng airport.