Halos 39K na AstraZeneca mula COVAX, dumating sa bansa

DUMATING sa bansa ang karagdagang 38,400 na dosis ng AstraZeneca mula COVAX Facility kagabi, Marso 7.

Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez, ang nasabing mga bakuna ay kumumpleto sa 525,600 dosis na nakuha ng pamahalaan bilang unang bahagi ng alokasyon mula sa COVAX.

“Sa ngayon meron na po tayong 1.1 million doses para sa ating mga healthcare workers,” ayon kay Galvez.

Unang dumating sa bansa ang 478,200 dosis ng AstraZeneca noong Marso 4.

Nasa kabuuang 54,500 AstraZeneca ang ipinadala sa mga ospital ng National Capital Region (NCR), Region 4-A (Calabarzon) at Cordillera Administrative Region (CAR).

Inaasahan naman ngayong linggo ang pag-deploy ng mga bakuna sa lahat ng rehiyon ng bansa na aabot sa 240,720 dosis.

Kabilang sa prayoridad ng pamahalaan ayon sa resolution na isinumite ng Department of Health at ng National Immunization Technical Advisory Group, ang mga COVID-19 high risks areas kagaya ng NCR, Central Visayas, Calabarzon, Region 11 at iba pang mga lugar sa CAR.

“With the arrival of the AstraZeneca vaccines in the country, all 525,600 doses, there is no doubt that the WHO-led COVAX is committed to carry out its crucial role of ensuring that less-developed nations have equitable to life-saving vaccines,” ani Galvez.

Aniya, inerekomenda ng vaccine expert panel at ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ilalaan sa mga health care worker ang lahat ng mga bakunang dumating ngayong buwan.

“The Duterte administration is doing its best to secure the vaccine doses it would need to inoculate all medical front-liners and healthcare workers in the country within this month,”aniya pa.

Target ng gobyerno na mabakunahan ang lahat ng healthcare workers ngayong buwan at simulan ang pagbakuna sa iba pang mga prayoridad ng sektor sa buwan ng Abril.

SMNI NEWS