HALOS 3,000 na barangay ang inilagay ng Committee on the Ban on Fire Arms and Security Concern (CBFCC) ilang linggo bago ang halalan ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
242 dito ay inilagay sa “red” category o sa pinakamataas na kategorya sa areas of concern at pinakamarami sa mga barangay ay matatagpuan sa Bangsamoro Autonomous Region na may 147 barangay kabilang na dito ang mga barangay sa munisipalidad ng Malabang na kung saan napaulat doon ang shooting incident sa panahon ng filing ng candidacy.
Ang Eastern Visayas ang pangalawa sa may pinakamaraming barangay na inilagay sa red category na mayroong 60 barangay pangatlo ang Region 5.
Matatandaan na sa bahagi ng munisipalidad ng Libon, Region 5 nang pinatay doon ang isang kandidato pagkatapos makapaghain ng certificate of candidacy (COC).
Pagdating sa “orange” category mayroong isinailalim na 1,257 barangay kung saan ang pinakamarami ay nasa Region 5 na may 317.
Samantala, napasama naman sa mahigit isang libong barangay na nasa yellow category ang Brgy. Bagong Silangan sa Quezon City dahil sa mainit na political rivalry.
Sinabi pa ni Comm. Aimee Ferolino na maaari pang magbago ang sitwasyon ng bawat barangay na nasa areas of concern habang papalapit ang halalan.
Samantala, ang Negros Oriental pa lang ang tanging lugar na isinailalim sa COMELEC control.