Halos 5-M doses ng COVID-19 vaccines inaasahang mabubuo ngayong linggo

Halos 5-M doses ng COVID-19 vaccines inaasahang mabubuo ngayong linggo

INAASAHANG mabubuo ngayong linggo ang halos 5-M doses ng COVID-19 vaccines.

Nasa kabuuang 582,500 doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccine ang dumating ngayong-araw.

Sakay ng China Airlines Flight CI701 ang mga naturang bakuna na lumapag alas 9:30 ng umaga sa Bay 9,  Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal-1.

Bukas ng Sabado Agosto 21, darating din ang 1-M doses ng Sinovac vaccines sa NAIA Terminal-2 sakay ng Philippine Airlines.

Kahapon ng hapon una nang dumating sa bansa ang 3-M doses ng bakuna na lulan ng Philippines Airlines Flight PR361 na lumapag sa Bay 49 NAIA Terminal-2.

Pinangunahan ni National Task Force (NTF) Chief Implementer & Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. ang pagsalubong ng mga bakuna.

Ayon kay Galvez ang pagdating ng COVID-19 vaccines kahapon ang pinakamalaking delivery na bakuna na dumating sa bansa.

Target na mabigyan ng Sinovac vaccine na dumating kahapon ay ang lahat ng mga probinsya ng bansa.

‘’Ang concentration natin sa lahat ng mga region, actually pinag-usapan na namin na almost equitable ang distribution base doon sa day to last nila. Kasi ang ginagawa natin ngayon nagkakaroon din tayo ng day to last, ibig sabihin meron silang on going vaccination,’’ayon kay Secretary Galvez.

‘’Naka programa na kung ilan ang araw na ang nalabi sa mga vaccine nila. Ginagawa natin ito para ma maximize natin ang vaccination para walang matengga doon sa mga mahihina na mag vaccinate,’’ dagdag nito.

Ayon kay Galvez mabubuo ang 26-M doses ng Sinovac vaccine ngayong linggo, habang tuloy-tuloy pa ang mga bakuna na darating sa mga susunod na araw.

SMNI NEWS