Halos 8,000 kaso ng COVID-19, naitala sa loob ng isang linggo

Halos 8,000 kaso ng COVID-19, naitala sa loob ng isang linggo

NAKAPAGTALA ng halos walong libo o 7,731 na kaso ng COVID-19 ang bansa mula Nobyembre 28 hanggang Disyembre 4, 2022 ayon sa pinakahuling case bulletin na inilabas ng Department of Health (DOH).

Mula dito, nakapagtala ng average daily case ng 1,104 kada araw.

Ayon sa DOH, mas mababa ng 4% ang naitalang kaso sa nakalipas na linggo kung ikukumpara noong Nobyembre 21-27.

Samantala, 134 naman ang namatay dahil sa COVID-19, kung saan 19 dito ay naganap noong Nobyembre 21-Disyembre 4.

Noong Disyembre 4 nasa 595 ang malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital dahil sa COVID-19.

Ayon sa DOH, sa 2,413 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 534 o 22.1% ang okupado.

Samantala, 5,177 o 25.3% ng 20,452 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit.

Pagdating naman sa bakunahan ng bansa, mahigit 73 milyong indibidwal o 94.27% ng target na populasyon ang bakunado na laban sa COVID-19.

Nasa 20 milyon naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.

Habang 6.9 milyong senior citizens o 79.37% ng target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series.

Sa parehong balita, bahagya pang tumaas ang COVID-19 positivity rate sa National Capital Region.

Sa datos na ibinahagi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David, sumipa pa sa 12.4% ang positivity rate sa NCR noong Disyembre 3 mula sa 11.1% noong Nobyembre 26, 2022.

Ayon kay David, nakitaan din ng pagtaas ng positivity rate sa parehong panahon ang mga lalawigan ng Bataan, Cagayan, Camarines Sur, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Laguna, Nueva Ecija, Pampanga, Quezon, Rizal, at Zambales.

Ang Nueva Ecija ang nakapagtala ng pinakamataas na positivity rate na nasa 39.1%, sumunod ang Camarines Sur na may 38.8% at Isabela na may 38.6%.

Kabilang naman sa mga lalawigan sa Luzon na nakapagtala ng bumabang positivity rates ang Albay, Batangas, Benguet, Bulacan, Cavite, Isabela, Kalinga, La Union, Mountain Province at Tarlac.

Follow SMNI News on Twitter