Halos P18-M halaga ng feasibility study para sa Binmaley Ferry Terminal, kinuwestiyon

Halos P18-M halaga ng feasibility study para sa Binmaley Ferry Terminal, kinuwestiyon

KONTROBERSIYAL ngayon sa bayan ng Binmaley ang ginawang feasibility study para sa Binmaley Ferry Terminal na isinagawa ng nakaraang administrasyon dito.

Ito’y matapos madiskubre ng kasalukuyang liderato na umabot sa halos P18-M ang halaga ng nasabing pag-aaral.

Sa panayam ng SMNI News, ibinahagi ni Mayor Pete Merrera, na nakatanggap ito ng sulat mula sa Department of Transportation (DOTr) kung saan hinihingi ng ahensiya ang mga karampatang dokumento sa nasabing pondo at kung mayroong mga sumobra sa pondo ay dapat ibalik ito.

Pero, paliwanag ng alkalde, mula sa nakaraang administrasyon hanggang ngayon ay wala siyang nakitang basehan ukol sa aniya’y napakalaking halaga ng feasibility studies.

Ani Mayor Pete, lumabas sa pagsisiyasat na ang tatlong libro ay nagkakahalaga ng P6-M kada isa na aniya ay sobrang mahal.

“Noong hinawakan ko ‘yung libro, sinabi ko ‘wow’, pinunasan kong maigi dahil mahal masyado, mahal na mahal. Kaya ‘yun nga po eh, if I was the Mayor, with the implementation of this kind of a, process, wherein, binigyan ka na ng fund transfer, para gamitin mo ito sa isang proyekto, I would ask the Assistance Secretary or sa kaniyang mga, sino ‘yung mga representative niya, kung merong ganitong mga process, i-invite ko sila, ito ‘yung libro, o ‘di kaya, ito ‘yung mga pinagagastusan, or ito, ibi-bid ko ito, para makita nila,” ayon kay Mayor Pete Merrera, Binmaley, Pangasinan.

May pahayag naman ang municipal administrator ng Binmaley na si Atty. Francis Francisco ukol dito dahil aniya walang bidding na nangyari ngunit nanghihingi na ng mga dokumento ang DOTr hinggil dito.

“May certification na sa pag-aaral, hindi ito dinaan sa bidding. So walang bidding na nangyari. So, I don’t know how we obtain the services of spacing and resigning associates. So, walang lumalabas na, walang bidding na nangyari. Pangalawa, self-explanatory na ’yan. Sabihin man natin na dumaan sa proseso ‘to. But this is still P17.6-M, worth it ba? Or we are just wasting the money of the people? With that project P17.6-M, puwede na tayong magpatayo ng structure, ng malaking establishment, buildings na, para sa eskuwelahan, ‘di ba?” ayon naman kay Atty. Francis Francisco, Municipal Administrator.

Ang tinuturong responsable sa isyu ay ang nakaraang nakaupo na si Dating Mayor at ngayo’y Vice Mayor Sammy Rosario.

Ayon kay Leon Elorde, Administrative Aide 1V ng Binmaley, mayroong kaso si VM Rosario sa Ombudsman at kabilang siya sa nag-file nito.

Ito’y dahil nilabag aniya ang Section 3 of RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).

Kaya naman panawagan ni Elorde:

“Nananawagan kami kay Vice Mayor Sammy Rosario, ito lang po VM, we respect you as VM of Binmaley, kung wala kang ginawa, malinis ang konsensiya mo, for 15 years na sinabi mo, harapin mo ang kaso mo sa korte at ipaliwanag mo at huwag sa bayan. At ang korte kung ikaw ay malinis katulad namin, na ginawa mo sa amin, we are cleared by the court. And salamat kay Mayor Merrera, binalik ako sa munisipyo at alam niyo naman ang pakay namin, kalinisan lang po, bayan muna bago sarili po,” saad ni Mr. Leon Elorde, Administrative Aide 1V, Binmaley.

Samantala, naglabas ng pahayag si Vice Mayor Simplicio Rosario at sinabing legal ang nasabing pag-aaral.

Aniya, ang pera ay binayad sa talento ng architects na gumawa ng pag-aaral.

Saad nito, ang kabuuang pondo ng naturang project ay halos P18-M at ang 50 percent ng halagang P18-M ay natanggap ng Binmaley bilang paunang bayad at nang matapos ang feasibility study ay naisumite for final evaluation at saka natanggap ng Binmaley ang karagdagang 50 percent.

Nagsagawa rin umano ng bidding at ang mga expert na taga-Maynila ang nanalo sa nasabing bidding.

Naniniwala naman si Mayor Pete na dapat sagutin na lang ni VM ang isyung ito sa korte.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble