Halos P43-B pondo, inilaan sa ‘Agriculture Priority Programs’

Halos P43-B pondo, inilaan sa ‘Agriculture Priority Programs’

NAGLAAN ang Department of Budget and Management (DBM) ng halos P43-B para pondohan ang ‘Agriculture Priority Programs’ para sa 2023.

Ito ay bilang pagtugon sa layunin ng administrasyong Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na lalo pang pasiglahin ang sektor ng agrikultura at gawin itong pangunahing tagapagtaguyod ng kaunlaran at kabuhayan sa bansa.

Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, ilang ‘Banner Food Programs’ ang makatatanggap ng kabuuang P42,844,114,000 pondo sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA).

Kabilang sa mga nasabing programa ng Department of Agriculture (DA) ang ‘National Rice Program’, ‘National Corn Program’, ‘National Livestock Program’, ‘National High-Value Crops Development Program’, ‘Promotion and Development of Organic Agriculture Program’, at ‘National Urban and Per-Urban Agriculture Program’.

Dagdag pa ni Pangandaman, layon ng mga nabanggit na programa na tugunan ang food security at makamit ang sustainable growth sa pagpapaigting ng farm income at productivity.

Sang-ayon na rin ito sa 8-Point Socioeconomic agenda ng administrasyon.

Inihayag pa ng Budget chief na paulit-ulit na binigyang-diin ni Pangulong Marcos na mananatiling top concern at priority ng kaniyang administrasyon ang agrikultura.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter